Patay na at tanging bahagi ng braso at kamay na lamang ng 49 anyos na kontraktor ang nakita sa buhangin malapit sa ilog sa Barangay Panitian sa bayan ng Quezon, Sabado ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Benjie Sumanga, residente ng Manuel Roxas St., Purok Sunflower, sa poblasyon ng naturang bayan.
Ayon sa pinsan ng biktima na si Cleto Sumanga, mataas ang tubig sa ilog dahil sa baha pero nagpilit ang biktima na tawirin ito noong November 6 ng mga 5:30 ng hapon para makauwi.
“Kahapon (November 6) kasi, mga more or less 5:30 p.m, nagpaalam ang pinsan ko (victim) na uuwi dito sa bayan, dito sa Quezon. Galing Doon sa Sitio Dumalag, Panitian. Kasi may kontrata siya ngayong araw dito sa bayan,” sabi ni Cleto.
“Maaga pa lang gusto na niyang umuwi, kaso mataas pa ang tubig sa ilog. Pero noong hapon na nga, noong nakita niya na medyo humupa na ang baha tumawid na siya,” pahayag ni Cleto.
Buong akala ng mga kaanak ng biktima ay naka-uwi na ito, ngunit alas onse ng umaga araw ng Sabado ay nagulat ang mga ito nang makatanggap ng balita na may nakitang bangkay sa may ilog.
Sa Sityo Nale ito, dalawang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan tumawid si Sumanga.
“Hinatid lang kasi siya sa pampang, noong akala nila na nakatawid, bumalik na din ang naghatid sa sakahan,” sabi pa ni Cleto.
Bahagi ng braso at kamay na lang ni Sumanga ang nakitang nakalabas sa buhangin. Ang buong katawan nito ay nalibing.
Samantala, ayon kay P/Cpl. Glendell Baliwan, wala pang final report, pero tapos na ang post-mortem at sa inisyal na ulat ay drowning ang ikinamatay.