[UPDATED] Nakatakdang sampahan ng kasong estafa at paglabag sa Revised Penal Code (RPC) dahil sa paggamit ng alyas, o hindi totoong pangalan, ang dalawang babaeng inaresto ng awtoridad habang nagsasangla ng alahas na may palamang tanso sa Cebuana Lhuillier, Rizal Avenue Branch, sa Lungsod ng Puerto Princesa, 10:50 ng umaga nitong araw ng Huwebes.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jasmin Barreto Sampaga, 50 taong gulang, mula sa Tondo, Manila, at Rose Ann Buhucan Montes, 29, mula sa Caloocan City.
Ang kakaharapin nilang kaso ay estafa at paglabag sa Article 138 ng Revised Penal Code (RPC), o Republic Act 3815.
Sa report ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), isinumbong sa awtoridad ng empleyado ng Cebuana Lhullier sa Lacao Street Branch ang dalawa dahil sa kahina-hinalang kalidad ng alahas na isinasangla na tatlong pares ng hikaw at dalawang singsing.

Ang dalawa ay dumayo lang at dumating sa lungsod noong Marso 7 para magsangla ng mga alahas, kasama pa ang dalawang indibidwal na kinilala lamang bilang sina Mabel at Gruta, ayon sa police report.
Napag-alaman din sa pag-iimbestiga ng pulisya na si Montes ay gumagamit umano ng identification cards na iba-iba ang gamit na pangalan.
“Noong March 9 (Wednesday), galing na nga sila doon sa Lacao Branch. Ini-report agad sa pulis kaya kinabukasan, inabangan na ng mga pulis natin kasama ang Anti Crime Task Force (ACTF). In-alert lahat ng branch, kaya noong may nag-positive tumakbo na agad ang mga pulis at ang ACTF sa Rizal Branch,” pahayag ni P/ Lt. Col. Alonso Tabi, tagapagsalita ng (PPCPO).
Sa pahayag ni Tabi, nagduda ang appraiser ng pawnshop dahil mas mabigat ang timbang ng alahas kumpara sa sukat nito.
“Ang alahas kung titingnan mo, genuine naman talaga siya. Ang problema, sa loob pinalamanan nila ng parang copper. Parang pinagputol-putol siya na alahas na hindi solid, yun ang nilalagay nila sa loob ng alahas. Modus na talaga nila. Hindi na talaga mapapansin yun, kasi kapag nag-appraise naman, kinikiskis lang naman ang labas ng alahas, hindi na maaabot ang ilalim,” paliwanag niya.
Ayon kay Sampaga, ang mga alahas ay mula sa isang Jovie Villareal na hindi pa nila nakikilala. Trabaho na umano nila ang magsangla, at target nila ang Cebuana Lhuillier dahil sa mataas na appraisal nito.
“Lunes kami dumating dito, nag-rent kami ng isang paupahan sa San Pedro banda. Magsasangla lang talaga ng mga alahas ang ipinunta namin dito, kasi hindi na kami puwede sa Maynila,” pahayag ni Sampaga.
Paliwanag ni Sampaga, “over over” na ang naisangla nila sa Maynila.
Dagdag ng dalawa, una na silang nakapagsangla ng ilang alahas sa pawnshop ng Cebuana Lhuillier din na hindi nila matukoy kung saang branch. Nagkakahalaga ng P35,000 ang naisangla noong araw ng Martes, Marso 8.
Kinabukasan ay sumubok sila ulit sa Cebuana Lhuillier Lacao Branch, ngunit hindi nila itinuloy. Pumunta sila sa Rizal Branch noong Huwebes, Marso 10, kung saan naaresto.
“Mababa daw po kasi ang P15,000 sabi ni Mabel, kaya di ko po isinangla [sa Lacao Branch],” ani Montes.
Ayon pa sa kanila, pabalik na rin sana sila sa Maynila noong araw na sila ay maaresto ng pulisya.
Samantala, inaalam pa rin ng awtoridad kung may kaugnayan ang dalawa sa mga impormasyon na may ilan pang mga pawnshop sa lungsod ang nabiktima rin ng kaparehong modus.
EDITOR’S NOTE: We removed the pawnshop employee’s name from this report at 5:25 p.m., March 12, 2022, at his request, to protect his family.



