Makikita sa larawan ang isang pulis habang nililinisan ang sugat ng duguang suspek (PN file photo)

Mga kasong attempted homicide at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa “illegal possession of deadly weapon” ang kakaharapin ng dalawang suspek sa kaguluhan at pananaksak dakong 11:40 kagabi, Huwebes, sa Tiki Bar sa Rizal Avenue, Puerto Princesa City.

Ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Police Station 1 (PS 1) ay kinilala na sina Edward Ungsod, 39, at Jessie Romualdo, 38, kapwa residente ng Barangay Tiniguiban. Ang biktima nila ay ang security o bouncer ng Tiki Bar na si Alex Valdez, residente ng Pardeco sa Brgy. Bancao-Bancao.

Sa imbestigasyon ng PS1, ipinahayag ni Valdez na habang lasing ay nanggulo ang dalawa sa loob ng kanilang establisyemento kaya inawat niya ang mga ito, ngunit pinagsusuntok siya ni Romualdo sa katawan.

Ang kasama naman nito na si Ungsod ay inilabas ang anim na pulgadang buckle knife at saka siya inundayan ng saksak na tumama sa kanyang kaliwang braso.

Ang insidente na naganap kagabi ay unang itinawag sa 911, ayon kay city information officer at hepe ng Anti-Crime Task Force (ACTF) na si Richard Ligad.

Aniya sa panayam ng Palawan News ngayong umaga, Abril 29, nang rumesponde ang kanilang tropa ay naabutan ang isang lalaki (Ungsod) na duguan ang mukha at itinuturong nanggulo sa loob ng Tiki Bar at nanaksak kay Valdez.

“Hindi natin nakita yong nangyari sa loob, pero yong nangyari sa loob, nanaksak yan yong duguan na yan,” pahayag ni Ligad.

Sa Ospital ng Palawan (ONP) ay nanggulo pa umano si Ungsod at nasugatan ang isang nurse, kaya kinuha siya ng ACTF at dinala sa PS 1.

Samantala, sa pahayag ni Romualdo sa Palawan News habang nasa kustodiya ng PS 1, lumabas umano siya kasama ang kanyang boss, at pagbalik nila ay nakita na nila si Ungsod na bagsak at duguan.

“Nasa labas kami, lumabas ako kasama ang boss ko, bumili kami ng yosi. Pagbalik ko, nakita ko siya (Ungsod) bagsak na, duguan,” pahayag niya.

“Doon pa si kuya Jimboy sa gilid, sinabihan ko pa siya, ‘kuya Boy, baka pwede na natin siya (Ungsod) dalhin sa ospital. Pag sabi niya ng oo, binuhat ko na agad, kaya makikita mo dito sa baba ko, may mga dugo-dugo,” dagdag ni Romualdo.

Paliwanag niya, dahil sa nakainom siya at pag-aalala sa kaibigan, hindi niya na nakontrol ang kanyang sarili, nakapagbitaw siya ng hindi magagandang salita sa mga awtoridad. Paglilinaw pa niya, wala siyang nasaktan at hindi kasama sa naging komosyon sa loob ng bar.

Samantala, bandang 8:40 ngayong umaga, ay dumating din ang mga staff ng isang lying-in clinic sa PS 1 para ireklamo si Ungsod sa pagpasok nito sa kanilang establisyemento upang sila ay pagbantaan. Pumasok ito matapos umalis sa ONP habang ginagamot ang sugat.

Previous articleMandatory benefits for health workers OK’d
Next articlePH eyed as next location for blockbuster ‘Crazy Rich Asians’
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.