Bilang pagdiriwang ng World AIDS Day sa kahapon, nauna nang nagsagawa noong Nobyembre 28 ang Department of Health sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office ng isang symposium sa loob ng Romblon State University para ihayag ang kanilang mga adbokasiya para maiwasan ang pagdami ng may HIV/AIDS sa probinsya. (Paul Jaysent Fos/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon — Inilahad ng Provincial Health Office ng lalawigan ng Romblon na nadagdagan ng sampu (10) ang kabuuang bilang ng tinamaan ng sakit na human immunodeficiency virus (HIV) sa lalawigan ng Romblon ngayong taon.

Sa pahayag ni Dra. Ederlina Aguirre sa harap ng mga estudyante ng Romblon State University na dumalo sa isang symposium patungkol sa nasabing sakit noong Nobyembre 28, sinabi nito na mula 1988 hanggang Hunyo 2019 ay meron nang 51 kaso ng HIV sa lalawigan.

Base pa sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng DOH-Mimaropa, 49 rito ay mga kalalakihan at tanging dalawa lang ang babae.

Pinakamaraming kaso ay naitala sa bayan ng Odiongan at Romblon na pawang nakapagtala ng 13 kaso mula 1988. Base rin sa datos ng RESU, pinakamaraming tinatamaan ng virus ay mga may edad 25-34.

Samantala, sinabi rin sa datos ng RESU na isa na rito ang naitalagang namatay mula 1988.

Isinisisi ni Dra. Aguirre ang pagdami ng kaso ng HIV sa bansa dahil sa curiosity ng mga kabataan sa pakikipagtalik sa murang edad.

“Kung pag-aaralan ang data, mapapansin na dumadami ang kaso ng HIV. Sa anong dahilan? Kasi tumataas ang teenage pregnancy, at iyon ay dahil nagiging curious sila sa sex na nakikita at napapanood sa media. Sa cellphone ‘yang sex nakikita mo na agad, hindi ganun dati,” ayon sa mensahe ni Dra. Aguirre.

Hinihikayat ni Dra. Aguirre ang publiko na ugaliing magpa-test kada-anim na buwan sa HIV/AIDS Treatment Hub o Red Shelter sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan, dahil libre naman aniya ito para masiguro na wala silang sakit. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)

Previous articleMga lider-magsasaka ng OccMin, may hiling sa pamahalaan
Next article‘Tisoy’ suspends classes in 5 towns