Muli na namang tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa walong munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan ng Palawan ngayong huling linggo sa buwan ng Setyembre.

Sa huling tala na inilabas ng Provincial Disaster And Risk Reduction Management Office (PDRRMO) noong Miyerkules, September 22, nagtala ng pinakamataas na bilang ang bayan ng Brooke’s Point na may 208 aktibong kaso, kung saan, 123 sa mga ito ay RT-PCR confirmed cases at 85 ang rapid antigen test (RAT) reactive.

Dahil dito, nag-desisyon ang Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) ng bayan na i-extend ang general community quarantine (GCQ) status hanggang October 7 na agad din namang kinatigan ng Regional IATF sa bisa ng Resolution No. 74.

Kaugnay nito, naglabas din ng kautusan si acting Mayor Georjalyn Quiachon-Abarca sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 33 na nag-aatas sa 18 barangay na palakasin at paigtingin ang contact tracing.

“The LGU shall provide a minimum of one (1) trained Contact Tracer for each barangay. The Punong Barangay shall likewise ensure the availability of barangay volunteer contact tracers and for proper monitoring and updating of contact tracing in every barangay, there will be an assigned Focal Person to gather daily updates and communicate the same to the concerned offices,” bahagi ng EO.

“The Municipal Health Office (MHO) in coordination with the Department of the Interior and Local Government (DILG) shall provide the necessary training for the designated contact tracers,” dagdag nito.

Samantala, sumunod naman ang bayan ng Bataraza na may 76 aktibong kaso. 41 sa mga ito ay RT-PCR confirmed habang 35 naman ang RAT reactive.

Ang bayan naman ng Sofronio Española ay may 75 aktibong kaso kung saan, 72 ang RAT reactive at tatlo ang RT-PCR confirmed.

“Medyo mataas pa rin. Patuloy ang pagbibigay natin ng mga paalala sa siyam na barangay natin. Please lalo na sa mass gatherings talaga, at pagsunod sa health protocols,” ani ni Dr. Rhodora Tingson, Municipal Health Officer ng bayan.

Sa iba pang bayan sa sur ng lalawigan, mayroong 41 aktibong kaso sa Rizal; 27 sa bayan ng Narra; 18 sa bayan ng Quezon; 16 sa bayan ng Balabac; at pito sa Aborlan.

Sa huling bulletin report ng PDRRMO, sa kasalukuyan ay may kabuuang 468 active cases sa buong bahagi ng sur sa lalawigan.

About Post Author

Previous articleMBLT-3 troops recover high powered firearms and war materials in Roxas town
Next articleCoron resident demands public apology from LGU for alleged sexual assault in quarantine facility
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.