BROOKE’S POINT, Palawan — Mula sa halos zero ay muli na namang tumataas ang bilang ng mga may sakit na COVID-19 sa bayan na ito na umaabot na sa 103 active cases, ayon kay acting municipal mayor Georjalyn Quiachon sa kanyang pahayag na ipinost ng Municipal Information Office (MIO) sa kanilang social media page noong Enero 21, 2022.

Bago pa man ang opisyal na pahayag ng acting municipal mayor, ay una nang nag-post si Kgd. Ton Abengoza na nakatawag pansin sa publiko ng nakakabahalang pagtaas ng bilang ng mga nagpo-positibo sa bayan, kung saan ay marami na umanong nakapila sa mga tents na naghihintay ng bakanteng kama sa pampublikong ospital.

Napakabilis umano ng pagdami ng bilang ng mga nagpo-positibo na halos apat na beses ang idinoble kaysa sa mga nakaraang kaso nito.

“Marami pa pong nakapila sa tents waiting for vacant beds sa ospital. Sa ngayon po hindi pa din receiving ng Covid positive patients ang mga private hospitals. Sobrang bilis po nang pagtaas ng cases natin. We have doubled the cases po in just 4 days,” ayon sa post ni Abengoza na ayon sa kanya ay mula sa municipal health officer na si Dr. Lovelyn Sotoza.

Limang araw matapos ang kanyang post ay opisyal nang nagpahayag si Quiachon na lingid umano sa kaalaman ng nakararami ay muli ngang tumataas ang bilang ng may sakit na COVID-19 na sumasabay sa pag-angat ng bilang sa buong Pilipinas.

“Lingid sa kaalaman ng nakararami ay muli na namang tumataas ang bilang ng mga kababayan nating nagpo-positibo sa COVID-19, kasabay ito ng pagtaas din ng mga kaso ng nasabing sakit sa buong bansa, at sa buong mundo. Sa kasalukuyan ay mayroon tayong 103 active cases at ang contact tracing ay nagpapatuloy pa. Gayundin ay sinisikap na, na ma-isolate kaagad ang mga kasong ito,” pahayag nito.

Previous articlePolice roundup: Mga wanted sa kasong child abuse at illegal gambling, dinakip sa Palawan
Next articleKaso ng COVID-19 sa bayan ng Rizal umakyat na sa 29
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.