Larawan ni Mayor Mary Jean Feliciano sa tarpaulin na nagsusulong upang hatiin ang Palawan. | Larawan mula kay Junjun Inog

BROOKE’S POINT, Palawan — Iginiit ni Mayor Mary Jean D. Feliciano na nakapagdulot ng pag-unlad sa isang lugar ang paghahati dito na ayon sa kanya ay napatunayan sa naging karanasan ng bayan ng Bataraza, Sofronio Española, at Quezon na dating mga barangay lamang ng bayan na ito.

Sa kanyang Facebook post ngayong araw, Marso 1, inihalimbawa ni Feliciano ang nangyaring paghiwalay ng ilang barangay sa bayan ng Brooke’s Point upang bumuo ng bagong munisipyo.

“Hindi bago sa Brookes Point ang hatian. Noong 1951 nagbigay ito ng ilang barangay para maging bayan ng Quezon, noong 1964 naman ipinaubaya nito ang Inogbong hanggang Buliluyan para maging bayan ng Bataraza, at noong 1994 ipinaubaya naman nito ang mga barangay mula Pulot hanggang Abo-abo para maging bayan ng Sofronio Española,” paliwanag ni Feliciano.

Aniya, huwag sanang ipagdamot ang minimithing kaunlaran ng bayan katulad ng ginawang pagpapaubaya at pagsuporta ng Brooke’s Point sa mga dati baranggay na humiwalay sa bayan.

“Ang mga taga-Brooke’s Point ay hindi maramot, bagkus buong pusong sumuporta na bawasan ang malaking bahagi nito para maging Bataraza, Quezin at Española,” aniya.

Dagdag pa niya, nakita na naging mas mabilis ang pag-unlad ng mga nasabing barangay mula nang humiwalay ang mga ito at naging bayan.

“Napatunayan namin na totoo pala na ang paghahati ng malaking teritoryo ay daan upang mapabilis ang pag unlad ng isang lugar dahil nailalapit sa mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan. Nagbigay ito ng maraming job opportunities at pag usbong ng mga negosyo sa mga nasabing bayan,” pahayag niya.

Ikinatutuwa rin umano ng pamahalaang bayan ng Brooke’s Point na makitang sabay-sabay na umuunlad ang mga bayang nagsimula sa pagiging barangay ng Brooke’s Point.

“Natutuwa kaming makita na ang aming mahal na bayan kasama ng mga nabanggit na munisipyo ay sabay-sabay na umuunlad,” aniya.

Samantala,  kaugnay nito ay hinikayat naman ng alkalde na tulad ng pagsuporta noon sa mga nasabing baranggay na ngayon ay ilan na sa matagumpay at maunlad na bayan ay gayon din ang suportang gawin ng mamayan upang masmabilis ang pag-unlad ng Brooke’s Point maging ng mga karatig bayan nito.

Previous articleSC dismisses “grave misconduct” case vs. Bayron
Next articleBalayong Festival is celebrated early at The SM Store Puerto Princesa
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.