Kandidato sa pagka-konsehal sa Aborlan, patay sa pamamaril

Patay ang sinasabing kandidato sa pagka-konsehal na si Ruben Bediores Goh, 51, matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi nakikilalang suspek sa Barangay Magsaysay, Aborlan, noong hapon ng January 21, 2019. (Photo courtesy of Bandera)


Dead-on-the-spot ang sinasabing kandidato sa pagka-konsehal ng bayan ng Aborlan na si Ruben Bediores Goh matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek noong Lunes.

Ayon sa spot report mula kay Police Chief Insp. Ric Ramos, ang tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPPO), binaril si Goh bandang alas singko ng hapon sa may bahagi ng Kilometer 72, National Highway corner Sitio Marimras Road, Barangay Magsaysay, Aborlan.

Sinasabing galing ang 51 anyos na si Goh sa sabungan ng pagbabarilin ito ng dalawang lalaking suspek na agad ding tumakas palayo sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sa spot report ng PPPO, nakasaad na tila ang dalawang di nakikilalang suspek ay naghihintay na sa kanyang pagdaan sa kanto ng kalsada.

Nagtamo si Goh ng maraming tama ng bala sa katawan na siyang naging dahilan ng kanyang agad na kamatayan, ayon pa sa spot report.

Sabi ni Ramos, nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga police personnel ng Aborlan tungkol sa kaso.

Hinahanap na rin ngayong ang itim na getaway motorcycle na ginamit ng mga suspek .

Sa ngayon ay wala pang masabing dahilan ang Aborlan Municipal Police Station kung bakit naganap ang pamamaril kay Goh.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...