Ang Malangsee road sa barangay Aboabo na siyang inirereklamo ng mga katutubong Palaw'an.
- Advertisement by Google -

Nananawagan sa pamahalaang lokal ng bayan ng Sofronio Española ang mga katutubong Pala’wan na nakatira sa Sitio Malangsee, Barangay Abo-Abo, na sana ay maisaayos na ang kalsada sa kanilang lugar.

Ayon sa mga katutubo, ang nasa mahigit isang kilometrong kalsada ay matagal na nilang ipinapanawagan na maayos dahil sa sobrang kapal ng putik sa tuwing darating ang panahon ng tag-ulan kaya nahihirapan silang tumawid dito.

Sa panayam ng Palawan News kay Mario Ulangsee, isang katutubo na nakatira sa lugar, matagal na nilang nailapit sa pamahalaang lokal ang kanilang suliranin ngunit hindi pa rin nagagawan ng aksyon at tanging pangako lamang na aayusin binibitawang salita sa kanila.

“Puro pangako naman sila, sobrang problema sa aming mga nakatira dito. Ngayon umuulan, grabe ang putik, halos hindi makadaan ang mga motor namin,” pahayag ni Ulangsee.

- Advertisement -

Dagdag niya, bukod pa sa makapal na putik tuwing ulan ay alikabok at baku-bako naman ang kalsada sa panahon ng tag-init.

“Pagkatapos ng tag-ulan, pagkainit po, yung mga butas galing sa panahon ng ulan, matutuyo yon at titigas at butas na naman po, kaya parang sungka talaga ang daan namin,” paliwanag niya.

Aniya, sa kasalukuyan ay mas mahirap ang kanilang sitwasyon dahil sa kapal ng putik ay hindi na halos makadaan ang kanilang mga kalabaw na nagdadala ng kanilang mga produktong saging, gulay at marami pang iba upang maibenta sa bayan.

“Ngayon sana mapansin na kami lalo na sa bagong mayor natin sa Española, kay Congressman Jose Alvarez at sa pamahalaan na namumuno sa amin, sana matugunan ang panawagan naming mga nakatira dito at sa mga katutubo na sobrang hirap na hirap sa daan,” dagdag niya.

About Post Author

- Advertisement by Google -
Previous articleMangingisdang nawala sa karagatan ng Cuyo natagpuang walang buhay
Next articleDOST-PCAARRD: 7 Palawan freshwater prawns prospective aquaculture broodstock sources
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.