Ang Naltep Road sa Sofronio Española na inirereklamo ng mga residente. (Larawan mula kay Mars Braganza)

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Isang bahagi ng kalsada sa Sitio Naltep, Barangay Labog sa bayan na ito ang inirereklamo ng mga residente dahil sa kalagayan nito na “sobrang” kapal ng putik sa tuwing panahon ng tag-ulan.

Ayon kay Mars Braganza, isang residente ng lugar, hirap silang dumaan at hindi na halos makatawid ang mga sasakyan, partikular ang mga motorsiklo, lalo na kung may sakay na mga produkto na dadalhin sa merkado gaya ng mais, kamote at saging.

“Hirap na hirap talaga, matagal na itong problema namin. Lalo na kung panahon ng tag-ulan, grabe ang putik,” sabi ni Braganza, Nobyembre 17.

(Larawan mula kay Mars Braganza)

Dagdag niya, noong araw ng Lunes, Nobyembre 15 ay ilang mga puno ng saging ang sinadyang itinanim ng hindi nakilalang indibidwal sa mismong kalsada.

- Advertisement -

Sa panayam naman kay punong barangay Antonio Francisco, sinabi niyang halos nasa sampung taon na ang problemang ito ng Naltep Road at makailang beses na rin niya itong idinulog sa pamahalaang bayan at pamahalaang panlalawigan, maging ng mga naunang kapitan, ngunit hindi pa rin ito nabibigyan ng soluyon hanggang ngayon.

Ayon sa kanya, ang classification ng Naltep Road ay provincial road na ang ibig sabihin ay saklaw ng pamahalaang panlalawigan.

“Sa totoo lang, matagal na kaming nagpapadala ng mga barangay resolution. Napapansin naman pero hindi naman very improved ang nagagawa. Mas maganda sanang lifetime na, yun bang masemento sana,” paliwanag ni Francisco.

“Katulad ngayon, baha, umuulan, problema talaga diyan ang putik. Gusto man natin gawaan ng aksyon, pero ang hirap talaga,” dagdag niya.

(Larawan mula kay Mars Braganza)

Ayon pa kay Francisco, ipinarating niya uli ang problema sa Provincial Engineering Office (PEO) noong buwan ng Oktubre na agad namang umaksyon at nagpadala ang mga heavy equipments katulad ng grader, truck at backhoe upang ayusin ang kalsada.

“Sa katunayan, nandito sila kanina (Nobyembre 17), yung engineer from province, nakita nila ang sitwasyon natin. Kaya lang yung mga equipments ay wala na dito. May fuel na from LGU na ibinigay sa atin pero dahil nga rainy season ngayon ay hindi ito maayos,” ani Francisco.

Hiniling din ng kapitan na sana ay maisama ito ng pamahalaang panlalawigan sa mga priority projects upang mapondohan at mapasemento na bilang lifetime solution sa paulit-ulit ang problema ng komunidad.

“Laging ako ang masama sa tao. Wala raw akong ginagawa pero sa totoo lang, ang dami ng resolution ang ipinasa at request ng ating council para diyan. Kung maisama sana sa priority road projects ito, okay na sana,” paliwanag ni Francisco.

Aniya, hindi rin siya nagbigay ng pangako sa mga taga Sitio Naltep para sa pagaayos ng daan ngayong buwan dahil ayon mismo sa PEO, hindi ito magagalaw pansamantala dahil na rin sa panahon ng tag-ulan.

“Nagsabi naman sila sa akin kanina na kapag maganda na ang panahon, mainit na sa atin, tumawag daw agad tayo sa kanila, para bumaba muli ang equipments at maayos nila pansamantala ang daan,” dagdag niya.

Previous articleChinese Coast Guard vessels block, water cannon 2 PH supply boats near Ayungin Shoal in WPS
Next articleAnother Slow Start
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.