SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Patapos na ang proyektong kalsada na ginagawa ng munisipyong ito para sa Palawan State University (PSU) papasok ng campus nito na nagkakahalaga ng P9 milyon.
Inaasahang matatapos na ang road access bago ang taong 2021, ayon kay Sandra Manzul, ang campus director ng PSU sa Sityo Caramay, Barangay Pulot Shore, Sofronio Española. Ang proyekto ay isinasakatuparan sa ilalim ng Infrastructure Funds sa 2019 ng munisipyo.
Sabi ni Manzul ay magiging malaking tulong sa kanilang campus ang road access para hindi na sila mahirapan sa panahon ng tag-ulan at alikabok naman kapag tag-init.
“We know our LGU ay hindi naman tayo pinapabayaan, nandiyan lang sila to support us. Great help and development ito para sa aming paaralan upang makapaghatid pa kami ng kalidad na edukasyon, at hindi mahihirapan ang mga guro natin at mga estudyante. Thankyou very much for this access road,” sabi ni Manzul.
Samantala sa panayam ng Palawan News kay mayor Marsito Acoy noong Lunes, sinabi nito na isa lamang ang PSU Española Campus sa mga pinondohan ng LGU para makagawa ng proyektong kalsada na makikinabang ang mga pampublikong paaralan.
“Kailangan lamang talaga na suportahan natin ang mga paaralan para sa kalidad na edukasyon. Alam natin ang magandang daan ay kailangan yan lalo na sa mga paaralan para magkaroon sila ng magandamg access road,” sabi ni Acoy.