Hindi pa magagawa ang inirereklamong halos nasa dalawang kilometro na kalsada ng mga residente sa Barangay Sto. Niño sa bayan ng San Vicente dahil sa panahon pa ng tag-ulan, ito ang ipinahayag ng kapitan nito na si Victorio Oncepido, araw ng Sabado, Disyembre 4.

Ayon kay Oncepido sa panayam ng Palawan News, isa ang kalsada ng Brgy. Sto. Niño sa pinakamahirap na daanan sa kanilang lugar dahil sa mabuhangin at malambot ang lupa nito at madaling madala ng tubig kapag tuloy-tuloy ang pag-ulan.

Kung pipilitin na gawin sa ngayon ay posibleng magdulot ng landslide. Ngunit sinabi rin niya na may kontrata na ito at nakiusap lang ang kontraktor na hindi pa ito puwedeng ayusin.

“Ang kalsada na yan, may kontrata [na] yan. Tina-trabaho na yan, nakiusap lang ang contractor na sabi niya, ‘Kap, ang kalsada sa ngayon hindi pa natin yan puwedeng galawin, kasi kapag ginalaw natin yan ngayon na ganitong ulan ng ulan masasayang ang lupa. Babasak at babagsak yan, baka magkaroon pa ng landslide’. Malambot ang lupa dito, mabuhangin,” pahayag niya.

Dagdag pa ni Oncepido, noong tag-init pa lang ay naayos na sana ang nasabing daan ngunit nagkaroon lang ng pagkaantala dahil sa problema nang mapagkukunan ng graba na siyang gagamitin sana para dito. Maging ang provincial government ay binisita na ito para inspeksyunin.

Ang nasabing kalsada ay ginagamit na daan ng mga residente sa lugar mula sa Brgy. Alimanguan patungo sa mga barangay ng Canipo at Binga, kaya itinuturing itong importente para sa mga residente.

Una din daw itong nasa plano ng pamahalaan na gawing national highway. Ilang bahagi na ng kalsada ang nauna ng sinimento ngunit itinigil ito at inabandona kaya in-adopt na lang ito bilang barangay road.

“Noong nakaraang adminitrasyon, ang kalsada na yan noon papuntang Brgy. Canipo, nasemento na yan, at kalahati na nga ang natapos. Tapos inabandona dahil matarik daw saka nilipat ang ginagawang kalsada sa ibang lugar,” pahayag pa niya.

Sa suporta din diumano ni Mayor Amy Roa, ay naka-plano nang gawin ang nasabing kalsada na nasa mahigit dalawang kilometro lamang ang haba.

Samantala, muling uminit ang usapin tungkol sa kalsada matapos na may ilang indibidwal ang nag-post sa social media kaugnay sa isang motorsiklo na nahulog sa malaking butas. Isinisi nang nag-post ang pangyayari sa lokal na pamahalaan.

Pahayag ng kapitan, katulong ang probinsya at ang munisipyo ay inaayos ang kalsada, ngunit nagkaroon lang ito nang pagkaantala dahil sa mga pag-ulan.

Nakikiusap ang Oncipedo na huwag gamitin ang usapin sa nasabing daan sa pulitika. Aniya, bagama’t importante daw ang nasabing daan sinabi ng kapitan na huwag muna itong daanan ng mga motorsiklo dahil sa ito ay delikado lalo na at basa ang kalsada.

About Post Author

Previous articleMga residente ng Brgy. New Canipo sa San Vicente, muling binaha dahil sa malakas na pag-ulan
Next articleCloudy skies with a chance of isolated light rains over Palawan due to northeast monsoon
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.