Kabilang ang garbage compactor sa mga biniling makinarya ng LGU San Jose. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Kalinisan at kaayusan ng bayan ng San Jose ang hatid ng mga makinaryang binili ng pamahalaang lokal (LGU) gamit ang inutang nitong P80,234,635 sa Land Bank of the Philippines (LBP).

Sa pagbabasbas sa nabanggit na mga makinarya sa harap ng munisipyo kamakailan, sinabi ni Municipal Engineer Edgardo Masangkay na kabilang sa mga biniling heavy equipment ang bulldozer, payloader, road grader, vibratory compactor roller, skid steer roller, at back hoe na pawang gagamitin sa pagsasaayos ng mga daan sa iba’t ibang barangay ng bayang ito.

“Katunayan, itong back hoe ay ginagamit na sa pagsasaayos ng sirang kalsada sa barangay Central,” ani Masangkay.

“Malaking tulong sa kalinisan ng San Jose ang dump trucks at garbage compactor,” saad naman ni Iny Lourdes Peroy ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).

“Bukod sa lalawak ang area of operations ng MENRO pagdating sa koleksyon ng basura sa ating bayan, makikita ng ating tax payers kung saan napupunta ang kanilang garbage fee,” dagdag pa ng opisyal.

Naniniwala si Peroy na sa pamamagitan ng mga biniling heavy equipment, partikular ang mga garbage compactor at dump truck, maeengganyo ang mga mamamayan ng San Jose na magbayad ng tamang buwis.

“Meron din tayong bulldozer, na gamit naman araw -araw sa ating dumpsite,” ayon pa kay Peroy.

Samantala, sa kanyang mensahe sa naturang aktibidad, pinasalamatan naman ni Acting Mayor Roderick Agas ang pamunuan ng LGU sa pagsusulong ng programa na pagbili ng mga bagong makinarya. Aniya, ang mga barangay ang higit na makikinabang sa mga ganitong proyekto.

Kwento ni Agas, noong mga nagdaang panahon, hindi makatugon ang pamahalaang lokal sa pangangailangan ng mga barangay sa ganitong mga kagamitan dahil sa mga sirang equipment.

“We are on the right track,” saad pa ni Agas.

Aniya, ang tinatamasang kaunlaran ng San Jose ay bunga ng tama at malinis na pamamahala. Hiling lang ng Acting Mayor sa mga hahawak ng mga biniling makinarya, na alagaang mabuti ang mga ito upang hindi agad masira. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Previous article3rd suspect in forest ranger slaying nabbed, hit by bullet in the foot
Next articlePrograma kontra dengue ng DOH idinaan sa puppet show