Natagpuan sa Barangay Plaridel sa bayan ng Aborlan ang isa sa dalawang kalabaw na unang napaulat na ninakaw sa Brgy. Burirao, Narra, noong April 3.
Ang mga suspek sa pagnanakaw ay kinilalang sina alyas Bongbong Matudio, residente ng Brgy. Burirao, at ang may-ari ng sasakyan na pinagkargahan ng mga kalabaw na kinilala namang si alyas Tabong Esteban, residente ng Brgy. Plaridel . Napag-alaman din na si Matudio ay kapit-bahay ng mga biktima.
Sa ulat ng Narra Municipal Police Station (MPS), tumungo sa kanilang himpilan ng 5:56 ng hapon ng April 7 ang dalawang biktimang sina Jinalyn Amalia Cogonon at Jonalyn Bacomo Tabucalde para i-report na natagpuan na ang isang nawalang kalabaw.
“Nag-report dito ang dalawang complainant, ang isa sa kanila, (Cogonon) nakuha na ang kalabaw niya. Ang isa naman, hindi na nakita. Nakatago sa medyo masukal na bahagi ang kalabaw. Kasama nilang naghanap ang mga barangay tanod,” pahayag ni P/Capt. Dhenies Acosta, hepe ng Narra MPS.
Nakilala din ng mga biktima ang sasakyan, dahil sa ilang mga nakakita dito habang isinasakay ang mga kalabaw bandang alas kwatro ng madaling-araw noong sabado.
“’Yung asawa ng isang biktima, nakita din niya na isinasakay ang mga kalabaw sa sasakyan pero hindi niya pinansin. Hindi niya rin daw akalain na isa na pala ang kalabaw niya sa ikinakarga,” dagdag ni Acosta.
Nakatakda ngayong sampahan ngkasong paglabag sa Presidential Decree 533 o Anti Cattle Rustling Law ang hindi pa natatagpuang suspek. Pinag-aaralan pa ng Narra MPS kung kasamang sasampahan ng kaso ang driver at may-ari ng sasakyan na nagsabing wala itong alam sa pagnanakaw ni Matudio.
“Sabi kasi ng driver, inarkila lang daw siya para dalhin ang mga kalabaw sa Aborlan at doon nga ibebenta,” ani Acosta.
