Kahera ng tindahan sa Bataraza, natagpuang patay


Isang babae ang natagpuang patay bandang alas syete ng umaga ng Sabado sa isang liblib na lugar sa Barangay Rio Tuba, Bataraza.

Kinilala ito ng mga pulis bilang si Noeme M. Kentong, 25 anyos, tubong Brooke’s Point, at sinasabing kahera ng 169 Merchandising Store.

Ayon kay Police Master Sergeant Norman Nicolas, ang hepe ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), wala pang malinaw na angulo silang sinusundan sa pagkakapaslang kay Kentong kahit pa tila ito ay biktima ng robbery holdup dahil sa nawawalang cell phone at bag.

Aniya, nagtamo ito ng multiple stab wounds sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at meron ding “defense wounds” na nagpapahiwatig na ito ay nanlaban sa kanyang hindi pa nakikilalang assailant.

“Nag-i-initial investigation pa rin kami hanggang ngayon kaya sana may makipag-cooperate na witness sa nangyaring krimen. May mga saksak siya sa leeg, sa mukha, at sa kamay niya. Nanlaban kasi ‘yong ibang sugat niya parang masasabi namin na defense wounds,” pahayag ni Nicolas.

Bahagi ng inisyal na resulta ng isinagawang imbestigasyon ng scene of crime operatives (SOCO) ay ang detalye na si Kentong ay pinaslang sa mismong lugar sa Rio Tuba kung saan siya nakita.

Sabi ni Nicolas, may mga bakas ng dugo sa ilang bahagi ng lugar sa tabing kalsada kung saan natagpuang patay si Kentong ng mga concerned citizens na nag-ulat din sa kanila.

Samantala, sinabi niya na walang rin silang nakitang palatandaan na ito ay pinagsamantalahan.

“Intact naman ang suot niyang damit, pero nag-request na rin kami na magsagawa ng autopsy sa kanya para malaman natin ang katotohanan,” sabi pa niya.

Ayon naman sa kasamahan nito sa trabaho na si Wilyn Amora, wala namang kaaway o nakasagutan sa trabaho si Kentong. Mabait daw ito, masayahin, palabiro, at wala din namang kasintahan.

“Nagulat na lang kami nang malaman na patay na siya dahil wala naman siyang kaaway at masiyahin at mabait ‘yan siya. Sa pagkakaalam ko ay wala din siyang boyfriend.”

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...