Isinagawa ng mga estudyante ng Pulot National High School (PNHS) sa bayan ng Sofronio Española ang “Kagakan sa Paaralan 2022” bilang bahagi ng paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face (F2F) classes sa nasabing paaralan noong Hunyo 1-3.
Ayon kay PNHS Supreme Student Government (SSG) Vice President John Fabrigas, ito ay bilang paghahanda sa mga aktibidad na isasagawa ng paaralan sa new normal kasama ang F2F classes at iba pang aktibidad na magpapanumbalik sa sigla at ngiti ng mga magaaral.
“I’m very happy that we are now back. Hindi man kagaya ng dati, at least may movement na nangyayari. I’m also excited and ganoon din ang aking mga kapwa mag-aaral,” pahayag ni Fabrigas.
Sinimulan ang Kagakan sa Paaralan sa pamamagitan ng isang maikling programa noong unang araw ng Hunyo kung saan, dumalo ang ilang mga matataas na opisyal ng Department of Education sa pangunguna ni Public Schools District Supervisor Glenda Mendoza, mga opisyales ng barangay, mga guro sa paaralan at mga estudyante.
Sa nasabing programa ay kinilala ng eskwelahan ang kanilang mga napiling mga school stakeholders na siya namang makakatulong ng paaralan para sa pagpapaunlad ng paaralan at sa ibat-ibang mga programa dito.
Ayon kay School Principal III Edgardo Mutia, ang paglulunsad ng Kagakan sa kaniyang paaralan ay napabilang sa kanilang School Learning Plan (SLP) na magkaroon ng programa ang PNHS upang maipadama sa mga mamamayan sa Sofronio Española.
“Ito po ay unique sa Division of Palawan, kasayahan at kagalakan,” pahayag ni Mutia.
Bilang bahagi pa rin ng aktibidad, ibinida rin ng mga estudyante ang kanilang mga malikhaing sining at mga iba’t-ibang paninda sa pamamagitan ng Bazaar for a cause na nakalagay sa Senior High School grounds.
Samantala, isang tree planting activity naman ang isinagawa sa barangay Pulot Shore na nilahukan ng mga estudyante, guro at mga private sectors noong Hunyo 2.
Ang Kagakan ay isang wikang muslim na ang ibig sabihin ay isang social gathering o pagtitipon para sa kasayahan at kagalakan.
