Layunin ng aktibidad na maibalik ang sigla ng bakawan sa baybayin ng barangay.

Mahigit 200 mangrove propagules ang itinanim ng mga kabataan ng bayan ng Rizal sa isinagawang mangrove planting activity na pinangunahan ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Sitio Gumaronggong, Barangay Panalingaan, araw ng Miyerkules, Enero 26.

Ayon kay Sangguniang Kabataan (SK) chairman Harold Amor, layunin ng aktibidad na maibalik ang sigla ng bakawan sa baybayin ng barangay dahil may ilang bahagi na nito ang nahawan matapos na putulin ng ilang residente ang mga puno upang gamitin sa pagpapatayo ng bahay at paggawa ng uling na pangbenta.

“May mga part ng mangrove areas dito na pinutol ng mga tao kaya ginagawa namin itong [mangrove] planting para maibalik ang nawalang mangroves,” pahayag ni Amor.

Dagdag niya, isa ang Panalingaan sa bayan ng Rizal na may malaking mangrove forest na sinisikap nilang mapangalagaan upang hindi masisira. Ipinaliwanag niya na nakapaloob ang proyekto sa kanyang environmental conservation program bilang SK chairman at naglalaan sila ng halagang P20,000-P30,000 bawat taon para sa programa para sa kalikasan.

- Advertisement -

“Yong pondo na ‘yon ang ginagamit namin sa lahat ng environmental activities namin. Maliit pero nagagamit naman ang pondo para diyan,” ayon kay Amor.

Aniya, patuloy din ang kanilang ginagawang awareness campaign sa barangay para magbigay ng mga impormasyon may kaugnayan sa pangangalaga sa kalikasan.

“Napaka-active naman ng youth namin, talagang tumutulong. Pakiusap namin na alagaan ang bagong tanim namin at huwag ito sirain dahil malaki amg maitutulong nito sa yamang dagat, sa mga isda at marami pang ibang marine species,” paliwanag niya.

Previous articleTwo weather systems bringing localized thunderstorms, cloudy skies
Next articleDTI releases latest SRP list of basic necessities, prime commodities
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.