Humihingi ng tulong mula sa mga residente ng Palawan ang mga kamag-anak ng apat na pasahero ng isang bangka na naglayag mula sa Boracay papunta sana ng Romblon noong umaga nang Disyembre 4, ngunit hindi nakarating at magpahanggang sa ngayon ay wala silang balita o komunikasyon na natatanggap mula sa mga ito.
Ayon kay Patrick Fernando na kamag-anak ng mga ito, ang mga nawawala ay sina Rolito Casidsid, Jon Guyo, Juden Matore, at Mary Jane Cezar, na umalis noong Sabado ng 6-7 a.m. mula sa Boracay kung saan sila nagtratrabaho, at pauwi sana sakay ng bangka na kulay blue at may marka na “Honey” sa Looc, Romblon para makiramay sa kamag-anak na namatay.
“Patulong naman po sa pag-spread ng news. Umalis [sila] sa Boracay papuntang Looc, Romblon” pahayag ni Fernando sa Palawan News ngayong Lunes, Disyembre 6.
“Pinsan, tito, at tita ko po [ang nawawala]. Uuwi sila sa Looc kasi namatayan kami. Kaso hanggang ngayon hindi pa sila nakakauwi,” dagdag pahayag nito.
Ani Fernando, ang huling update sa apat na nawawala niyang kamag-anak ay GPS tracking mula sa cellphone ng isa sa apat na nawawala na nagsasabing ang signal ay nagmumula sa munisipyo ng Kalayaan sa West Philippine Sea (WPS).
Nag-coordinate na umano sila sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Romblon ngunit hindi siya sigurado kung ang impormasyon ay naipasa na sa mga personnel nito sa Palawan.
Ayon naman kay Cpt. Angel Viliran, ang bagong talaga na commander ng Coast Guard District Palawan (CGDPal), ay ico-coordinate nila ang hinggil sa apat na diumano ay nawawala at magpapadala din ng notice to mariners para maging alerto ang mga naglalayag sakaling may mamataan.
“We will ask our station in Pag-asa to look into the alleged GPS tracking and conduct necessary search and rescue operations, as well as send a notice to mariners to all transmitting vessels to be on the lookout for the said drifted motor banca,” pahayag ni Viliran.
Samantala, sakaling may mahalagang impormasyon hinggil sa apat, maaaring kontakin ang kanilang mga kapamilya sa numero na 09120117206.
“Baka sakaling sa inyo [sa Palawan] po napadpad. Please, sana po matulungan niyo kami,” pakiusap ni Fernando.