Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog ang maaasahan sa Palawan, Eastern Visayas, at Central Visayas dahil sa umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ), ayon sa weather forecast ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) umaga ng Sabado, Nobyembre 13.
Sa Rainfall Advisory No. 1 mula sa Mactan Radar, dahil sa ITZC ay apektado ng kondisyon ng papawirin ang Puerto Princesa, Aborlan, Narra, Sofronio Española, Quezon, Brooke’s Point, Rizal, Balabac, Bataraza, at Cagayancillo. Maaaring magpatuloy ang pag-ulan sa loob ng isa hanggang dalawang oras.
Sa pagtaya naman ng DOST-PAGASA sa pamamagitan ni weather specialist Ezra Bulquerin, ngayong umaga, ang nalalabing bahagi ng Visayas at Occidental Mindoro ay makakaranas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulo-pulong pag-ulan o pagkulog at kidlat dulot ng localized thunderstorms.
Mahina hanggang sa katamtaman na hangin mula sa Hilagang-silangan hanggang Silangan ang iiral sa Visayas, Occidental Mindoro, at Palawan, kasama na ang Kalayaan Islands na may mahina hanggang sa katamtaman na pag-alon sa karagatan.
“Yong ITCZ patuloy na umiiral dyan sa may bandang Mindanao, sa may Palawan, Eastern Visayas, at Central Visayas. Sa pagitan ng Visayas at Mindanao, nandyan ang makulimlim na panahon sa linya na yan — may mga kalat-kalat na pag-ulan, pag-kidlat at pagkulog yong magdadala. E-expect natin na maulap ang kalangita dyan, and then may mga scattered rain showers and thunderstorms,” pahayag ni Bulquerin.
Patuloy din na umiiral yong northeast monsoon o amihan kaya’t makulimlim sa may bahagi ng Northern Luzon kaya mararanasan ang mahihinang pag-ulan, ayon kay Bulquerin.
Sa susunod na tatlong araw ay walang nakikitang sama ng panahon ang PAGASA, ayon sa kanya.
“Kaya posible na improving weather na tayo sa mga susunod na araw,” ayon pa sa kanya.
Sa Puerto Princesa, ang agwat ng temperatura ay 26 degress Celsius hanggang 30 degrees Celsius, samantalang sa Kalayaan Island ay 27 degrees Celsius hanggang sa 31 degrees Celsius.