Apektado pa rin ng umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ) ang lalawigan ng Palawan, Visayas, at Mindanao, ngayong Lunes, kaya maaasahan pa rin ang maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Ayon kay weather specialist Aldczar Aurelio ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), wala silang ino-obserbahan na low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) subalit apektado pa rin ng shear line at northeast monsoon ang bansa.
“Ang nakakaapekto sa ating bansa ay ang shear line, kung saan naapektuhan ang silangang bahagi ng northern Luzon, at yong amihan ay umaabot sa malaking bahagi ng northern Luzon. Kaya ang mga lugar doon ay nakararanas ng malamig na simoy ng hangin,” pagtaya ni Aurelio.
“[Ang] ITCZ naman ay naaapektuhan ang Palawan, Visayas, at Mindanao. Sa araw na ito, ang Palawan, Sorsogon, Masbate — dahil sa epekto ng ITCZ, ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm,” ayon pa sa kanya.
Ang agwat ng temperatura sa Puerto Princesa City ay nasa 24 degrees Celsius hanggang 31 degrees Celsius, samantalang sa Kalayaan ay nasa 25 degrees Celsius hanggang 31 degrees Celsius.
