Isa na namang pasyente ng COVID-19 ang nasawi sa bayan ng Roxas noong araw ng Sabado, Hunyo 12, ayon kay Dr. Leo Salvino, Municipal Health Officer ng nasabing bayan.
Ang namatay ay isang 68 taong gulang na lalaki mula sa Barangay 2. Ito ang ikalimang namatay sa COVID-19 sa bayan.
Dagdag ni Salvino, ang biktima ay may co-morbity at nag-positibo sa antigen test.
“Ang pasyente ay na-stroke, at meron siyang paralysis at hypertension. Namatay siya sa Roxas Medicare Hospital,” pahayag ni Salvino.
Samantala, nagtala naman ng 18 bagong kaso ng COVID-19 at 27 recoveries, sa huling ulat ng Municipal Health Office. Walo sa mga bagong kaso ay RT-PCR positive samantalang ang 10 ay antigen reactive.
Sa kasalukuyan ay may 52 aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan.
Umaasa naman ang MHO na mapipigilan nila ang patuloy pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung paiigtingin pa lalo ang pagbabantay sa mga border points at madagdagan pa ang health staff para sa contact tracing.
Aniya Salvino, mas maganda sana kung mabakunahan na ang lahat at mas malaki ang pag-asa na malabanan ang virus subalit limitado ang supply ng bakunang dumadating dito.
“Sana ay magpatupad ng mas mahigpit na border control. Kailangan din ng karagdagang 10 contact tracers, intensified testing at additional isolation facility. Mas maganda rin kung makapagbakuna na para sa prevention kaya lang wala pang supply ng bakuna,” aniya.
