Isang pamilya ang nawalan ng bahay matapos na masunugan sa bundok ng Sitio Lupak, Barangay Inogbong sa bayan ng Bataraza noong Lunes ng gabi, Marso 22.

Ang pamilya ay kinilalang sina Joy Okoran, 28, asawa nitong si Arlita Okoran, 26, at ang kanilang dalawang menor de edad na mga anak.

Sa panayam ng Palawan News kay Joy, ang naiwang apoy sa lutuan ang naging sanhi ng sunog

“Ang pinagmulan ay pugon na gamit namin sa pagsasaing. Hindi namin alam na may apoy pa sa may kusina tapos iyong misis ko natutulog na at ako naman nanunuod ng tv, malayo din kasi ang kusina sa sala namin kaya hindi ko napansin at pumutok na ang solar namin,” pahayag ni Okoran.

Dagdag pa niya, wala namang nasaktan sa pamilya niya dahil nakalabas din sila agad ng bahay. Umaabot naman sa halagang P35,000 ang kabuoang halaga na nawala sa kanila.

- Advertisement -

“Nawala sa sunog ang mga solar, portable, bigas na kalahating sako , dalawang sakong palay at iba pang gamit pang-bahay,” ani Okoran.

Samantala nanawagan naman si Okoran na sila ay matulungan, dahil naubos ang lahat ng ari-arian nila sa sunog.

“Humihingi kami ng tulong pambili sana ng ilaw, mga pagkain, mga damit, ng gamit sa loob ng bahay kasi naubos talaga lahat ng gamit namin pati ang buong bahay namin,” dagdag ni Joy.

Kasalukuyang nakikitira ngayon ang pamilya ni Joy sa kanyang kapatid.

Previous articlePonce de Leon seeks actions to address mental health concerns
Next articleDILG calls out Bataraza mayor, four others, in priority vaccination