Isang 83 taong gulang na lolo ang pinagkalooban ng tulong ng isang grupo ng kabataan sa Barangay Old Guinlo sa bayan ng Taytay noong araw ng Sabado, May 15.
Ang nabanggit na lolo ay kinilalang si Pedro Neo na napag-alamang matagal ng may karamdaman sa baga kaya binigyan ng mga pangunahing pangangailangan kagaya ng bigas, gatas, vitamins at iba pang gamot.

Ayon sa mga kabataan, isa itong aktibidad na naisipan nilang gawin ngayong panahon ng pandemya.
Sa panayam ng Palawan News kay Ryan Rhie Sarmiento, isa sa mga kabataan, sinabi niya na naisip nilang maabutan ng mga pagkain at gamot si Neo dahil hindi na nito kayang mag-trabaho at nakahiga na lamang dahil sa sakit nito.
“Nakapagpagamot na rin siya noon ayon sa kanyang isang anak na nagbabantay sa kaniya na may sarili na ring pamilya. Mga pitong buwan na simula ng humina si lolo, wala na siyang maintenance na gamot at hindi na siya makapagsalita,” pahayag ni Sarmiento.
Nakikipag-ugnayan rin umano sila sa pamahalaang barangay ng Old Guinlo para mabigyan ito ng iba pang tulong.
“We are encouraging everybody na mga kabarangay namin o sa bayan ng Taytay na tulungan si lolo Pedro. Sa Barangay Proper lang po siya nakatira sa Old Guinlo,” dagdag niya.
“Naisip namin na humingi ng ibat-ibang donasyon sa nakakaluwag sa bayan ng Taytay. Sa pamamagitan ng grupo namin at nakaipon kami ng maliit na halaga para kay lolo at pinangbili namin ito ng gamot katulad ng kaniyang vitamins,” paliwanag ni Sarmiento.



