Nahaharap ngayon sa patung-patong na reklamo ang isang lalaki, matapos na salubungin nito ang sasakyan ng mga tanod ng Barangay San Pedro habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sa Zone 1 sa Purok Abanico dakong 10:45 kagabi, May 8.
Kinilala ng mga tanod ang suspek na si Jimmy Buñag, 44 taong gulang, at pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.
Ayon sa chief tanod ng San Pedro na si Marlon Arias, lasing si Buñag, at may bitbit na patalim bilang proteksyon sa sarili.
“Hinarang niya ang sasakyan namin. Gabi na, dapat nasa bahay na lahat dahil may curfew na tayo. Tapos walang suot na damit. Pagbaba namin para kausapin sana, lumalaban. Iba na siya sumagot,” pahayag ni Arias.
Dagdag pa ni Arias, ang katuwiran ni Buñag ay bibili lang ito ng sigarilyo sa labas at uuwi din agad.
Ngunit dahil sa maraming paglabag ay dinala ito ng mga tanod sa Barangay Hall at dito nila nalaman na baguhan pa lamang ito sa San Pedro at nagmula bayan ng Roxas.
“Sabi niya, dalawang buwan pa lang pala ito siya dito nangungupahan sa Abanico,” ani Arias.
Kabilang sa reklamong kahaharapin ni Buñag ang paglabag sa City Ordinance No. 1050 na may kaugnayan sa COVID-19 health protocols kung saan wala itong suot na face mask at face shield, paglabag sa curfew hours, at paglabag sa liquor ban.
Maliban dito, posibleng maharap din sa reklamong paglabag si Buñag sa Article 151 ng Revised Penal Code o unjustifiable disobedience of lawful orders of persons in authority or their agents.
