Isang lalaki ang inaresto ng awtoridad matapos na makuhanan ng mga baril sa kanyang bahay sa Libis Road, Barangay San Pedro, Lungsod ng Puerto Princesa, kaninang alas otso ng umaga, Miyerkules, September 29.
Ang suspek ay kinilalang si Rey Osio Medina, 63 taong gulang.
Nakumpiska kay Medina ang isang Norinco caliber 9mm pistol na may serial number 9800467, dalawang ng calibre 9mm magazine, 14 pirasong 9mm live ammunition, isang 12-gauge shotgun na may live ammunition, isang black sling bag, isang red pouch bag, at isang transparent cellophane.
Ayon sa Criminal Investigation and detection Group-Palawan (CIDG Palawan), nakatanggap sila ng report na may hawak na baril ang suspek at hindi kalaunan ay napag-alamang wala itong mga kaukulang dokumento para sa mga baril.
Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng CIDG-Palawan at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act.
Paalala ng awtoridad sa mga nagmamay-ari ng baril, mag-secure ng mga dokumento, iparehistro ang baril at kumuha ng mga permit sa pagdadala nito. Maaari rin na pansamantalang i-surrender sa awtoridad ang mga baril habang ipinoproseso ang mga dokumento nito.
