Isang bahay ang nasunog sa Sitio Inandinan, Bagong Silang Barangay Pulot Center sa bayan ng Sofronio Española, noong araw ng Lunes, Abril 25.
Kinilala ang may-ari ng bahay na sina Joy Diaz at Efren Almani. Ang bahay ay gawa sa light materials kung kaya’t mabilis itong natupok ng apoy.
Ayon sa Sofronio Española Municipal Fire Station (MFS), nai-report sa kanila ang nasabing sunog dakong 5:30 ng hapon at agad naman itong nirespondehan.
Dakong 6:15, bago ganap na dumilim naman nang maideklarang fireout ang insidente.
Sa pahayag ni FO2 Randy Paz Jr., imbestigador ng Sofronio Española MFS, lumalabas na short circuit ang pinagmulan ng nasabing sunog.
“Short circuit ito, ayon sa aming pakikipag-usap sa mag-asawa, iisa lang po ang extension wire na kanilang ginagamit, at posible na ito ang pinagmulan ng apoy,” pahayag ni Paz.
Tinatayang mahigit P200,000 ang pinsala ng sunog na kinabibilangan ng mga iba’t ibang appliances at iba pang pag-a-ari ng mga biktima.
Sa hiwalay na panayam kay Joy Diaz, kasama rin sa nasunog ang kanilang mga inipong pera na gagamitin sana sa kanilang pagpapakasal sa darating na buwan ng Mayo.
Ligtas naman ang kanilang dalawang anak na nasa labas ng bahay nang maganap ang insidente.
