SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nagtala ng isang bagong kaso ng COVID-19 ang bayang ito nitong araw ng Sabado, Abril 24.
Ang bagong kaso ay isang 46 years old na babae mula sa barangay Pulot Center at maituturing na second local transmission case. Sa kasalukuyan, ito lang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan.
Samantala, muling naghigpit sa pagbabantay ng mass gatherings at iba pang kahalintulad na aktibidad sa siyam na barangay sa bayang ito ang Municipal Inter Agency TaskForce on COVID-19 (MIATF) sa gitna pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan.
Ang paghihigpit ay ipinag-utos ni Mayor Marcito Acoy sa pamamagitan ng Memorandum Order no. 18 na inilabas noong Abril 22, kung saan inatasan ang mga barangay kapitan na magbantay sa lahat ng mga mass gatherings na ginagawa sa kanilang mga barangay.
Sa panayam ng Palawan News kay Dra. Rhodora Tingson, Municipal Health Officer, nitong Biyernes, April 23, muli niyang pinaalalahanan ang mga mamamayan na kumuha ng MIATF Permit para payagan ang mga mass gathering katulad ng binyag, kasal, libing, birthday party at mga seminar o training.
Ani Tingson, singkwenta porsyento o kalahati ng kapasidad ng isang lugar ang kanilang pinapayagan para sa isang mass gathering, ayon na rin sa MGCQ guidelines.
“Kailangan lang nila magpasa ng request sa akin. Usually allowed naman lahat ng ipinapaalam, may limitations lang as to age group ng pwedeng mag-attend, physical distancing requirements sa activity, policies pag may food na isi-serve,” pahayag ni Tingson.
“Hindi rin allowed ang napakaraming attendees sa isang activity. Even before pa mag-issue ng memo, nag re-release na kami ni mayor ng permit sa mga nagpapaalam sa barangay, pero hindi kasi lahat nagpapaalam,” dagdag niya.
Idinagdag din ni Tingson na napansin ng MIATF na halos wala ng sumusunod sa regulasyon na ipinag-uutos nila kaugnay sa pagkuha ng permit sa kanila kabilang ang mga lugar ng sambahan o mga places of worship pati na rin ang mga birthday occasion sa mga barangay.
“Lately, may mga birthday na involve ang less than 15 years old who are not allowed to go out under sa MGCQ guidelines. Also napansin namin na may mga places of worship na hindi sumusunod sa basic health protocols na facemask at distancing at ung 15 to 65 years old lang ang attendees,” paliwanag niya.
“Three days bago ang activity nila, kailangang kumuha ng MIATF permit na nakapaloob din sa Memo na inilabas. Sa permit na ibibigay namin ay naka-indicate doon ang mga conditions na kailangan nilang gawin, kasama ang limitation of attendees, contact tracing form sa activity, facemask at physical distancing,” dagdag niya.
