“Skills Training and Provision of Livelihood on Tilapia Production” ng pamahalaang bayan ng San Vicente. (Larawan mula kay Fred Odruna)

SAN VICENTE, Palawan – Sumailalim sa pagsasanay at lakbay-aral patungkol sa produksyon ng isdang tilapia ang ilang piling miyembro ng Bunuangin Community Development Association (BUNCODA) ng Barangay Port Barton sa bayan na ito kamakailan.

Ang pagsasanay at lakbay-aral ay isinagawa sa Freshwater Fish Hatchery and Demonstration Pond ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa bayan ng Narra kung saan kanilang pinag-aralan ang mga pamamaraan sa pag-aalaga at pagpaparami ng tilapia.

Ang BUNCODA ang napiling benepisyaryo ng programang “Skills Training and Provision of Livelihood on Tilapia Production” ng pamahalaang bayan ng San Vicente na itinataguyod ng Livelihood Unit sa ilalim ng tanggapan ng alkalde bilang tulong pagkakakitaan at seguridad sa pagkain ng munisipyo.

Ang community-based livelihood project na ito ay pinondohan sa ilalim ng Gender and Development (GAD) initiative na may kabuuang halaga na P175, 000.

- Advertisement -

Makatatanggap ang samahang BUNCODA ng mga tulong teknikal at panimula mula sa pamahalaang bayan kabilang na ang pagsasanay, kagamitan, supply ng feeds at cash for work para sa pagbuo ng fish pond.

“Mayroon nang existing na fish pond para sa tilapia na pag-aari ng presidente ng kanilang asosasyon. Ito ‘yung aayusin sa pamamagitan ng cash for work,” pahayag ni Karen Andonga ng Livelihood Unit.

Maliban sa ipinagkaloob na pagsasanay, magbibigay rin ang BFAR ng nasa 9,000 hanggang 12,000 fry o semilya ng tilapia sa naturang samahan bilang panimula.

“Nakita natin na malaki ang potensyal nitong tilapia production sa Bunuangin dahil naging maganda rin naman ang operation ng tilapia production ng kanilang presidente at may market na sila. So, ito ang napagkasunduang proyekto para sa kanila matapos ang serye ng konsultasyon at pagpupulong sa komunidad,” dagdag ni Andonga.

Nakatakdang ipagkaloob ang mga semilya ng tilapia at iba pang kagamitan sa buwan ng Oktubre sakaling matapos na ang pagsasaayos ng fish pond.

Ang tilapia production ay ilan lamang sa mga programang pangkabuhayan na itinataguyod ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez upang mabigyang pagkakakitaan ang mga residente ngayong panahon ng pandemya at para na rin masiguro ang suplay ng pagkain sa munisipyo.

Upang masiguro ang pag-unlad ng mga kabuhayang ipinagkakaloob, nagsasagawa rin ng regular na monitoring at teknikal na tulong sa mga benepisaryo.

Previous articleBayan ng Brooke’s Point muling isinailalim sa GCQ
Next articleCayetano reiterates need for a grassroots sports program
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.