[UPDATED} Isang lalaki ang nasawi habang tatlo ang nasaktan nang mahulog sa gilid ng kalsada ang sinasakyan nilang truck sa kahabaan ng national highway sakop ng Sitio Nasigdan, Barangay Masagana sa bayan ng El Nido kahapon, Huwebes, Mayo 20.
Kinilala ang nasawi na si Raffy Taraquinia Latagan, 26, at ang mga kasamahan nito na nagtamo ng minor injuries ay sina Roland Taraquinia Latagan, 41; Efren Luna, 50; at Jenjen Dumulas, 40, mga residente ng nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat ng ng El Nido Municipal Police Station (MPS), tinatahak ng Suzuki elf truck na minamaneho ni Montano Bernardo Bulacan, 68 taong gulang, at residente ng Lungsod ng Puerto Princesa, ang nasabing bahagi ng kalsada patungo sa kabayanan ng mawalan ito ng control sa sasakyan dahil madulas ang kalsada dulot ng pag-ulan.
“Hired lang from Puerto ang truck na pinagkargahan ng anim na kalabaw. Nagkataon na madulas ang kalsada kaya nawalan ng control ang sasakyan,” pahayag ni P/SSg. Jane Gonzales ng El Nido MPS
Agad namang naisugod sa Elnido Adventist Hospital si Latagan kung saan ito ay ideneklarang dead on arrival.
Ayon pa kay Gonzalez, si Bulacan ay pinaghahanap ngayon matapos tumakas at posibleng masampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.
