Isa patay sa salpukan ng motorsiklo at kotse sa Lucbuan

Makikita sa larawan ang kotseng Kia Picanto na minamaneho ni Francis Manco na sumalpok at kumaladkad sa motor ng biktimang si Jed Joas Dane Germata noong pasado alas onse ng Miyerkules (December 2) ng gabi sa national road sa Barangay Lucbuan.


Dead on the spot ang isang lalaki noong Miyerkules ng gabi dahil sa banggaan ng isang motor at kotse sa national road sa Barangay Lucbuan.

Kinilala ang biktima na drayber ng motorsiklo bilang si Jed Joas Dane Germata habang ang suspek na nagmamaneho nang nakasalpukan na Kia Picanto ay kinilala lang bilang si alyas “Francis”, 17 anyos, at residente ng Purok Masagana sa bayan ng El Nido.

Ayon sa report ng pulisya, pauwi na sa El Nido ang suspek pasado alas onse ng gabi nang makabanggaan ang motor ni Germata sa Lucbuan.

“Base sa inisyal na imbestigasyon ng tropa natin, sinakop ng Kia Picanto ang lane ng motor kaya nagkagulatan sila,” ayon kay Insp. Ray Aron Elona.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng kotse sa motorsiklo ay agad na namatay ang biktima at nakaladkad pa ng may 28 metrong layo sa highway.

Nadala naman ang drayber ng Kia Picanto sa pagamutan dahil sa natamong pinsala sa katawan matapos ang banggaan. Haharapin nito ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

“Makakasuhan ang drayber ng Kia pero ngayon nasa ospital pa ito dahil under shock pa rin. Hindi pa natin nakakausap ang kaanak ng victim kaya hinihintay pa rin natin kung itutuloy nila ang pag-file ng kaso,” sabi ni Elona.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...