Wala ng buhay ang driver ng Suzuki Smash nang isugod ito sa Narra Municipal Hospital matapos nitong makasalpukan ang kasalubong na Honda Beat sa bahagi ng National Highway sa Brgy. Princess Urduja sa bayan ng Narra, Linggo ng hapon, March 19.
Ayon sa Narra Municipal Police Station, kinain ng Suzuki Smash ang linya ng Honda Beat na naging dahilan ng salpukan ng dalawang motorsiklo.
Nakilala ang biktima na si Jason San Jose Banadera, residente ng Brgy Irawan sa lungsod ng Puerto Princesa, habang nakaligtas naman ang angkas nitong si Sherwin Tobiag, residente ng Brgy. Panacan 2 sa bayan ng Narra.
Samantalang nakilala naman ang driver ng Honda Beat na si Richard Ramirez Luma, 35 taong gulang, at residente ng Brgy. Princess Urduja sa natura rin na bayan.
Ayon pa sa imbestigasyon ng pulisya, pawang mabilis ang takbo at walang lisensya ang mga driver at OR/CR ang dalawang motorsiklo.
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa nasabing pagamutan ang driver ng Honda Beat at angkas ng Suzuki Smash.