Isang lalaki ang patay habang sugatan ang apat na kasamahan nito sa isang aksidenteng naganap sa Matalangao Road, Barangay Port Barton sa bayan ng San Vicente, araw ng Biyernes, Mayo 7.

Kinilala ang nasawi na si Edgar Zamora Imperial, 54, habang ang apat naman na kasamahan nito kabilang na ang driver ay sina Welmer Monticillo Pabuna, 36; Joseph Villanueva Macabeta, 50; Juanito Baluis Dolana, 46; at Crisencio Abaya Laygo, 49.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng preno ang sasakyan na naging dahilan kaya ito naaksidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng Fuso Fighter Dropside Truck crane na sinasakyan ng biktima ang nasabing bahagi ng kalsada karga ang 42 piraso ng 32 mm by 5 meters na steel bar na may bigat na mahigit kumulang 5 tonelada mula Port Barton proper at dadalhin sana sa Brgy. San Miguel, Roxas. Pagdating sa kurbadang pababa at mabundok na bahagi ng kalsada ay dito biglang nawalan ng preno ang sasakyan na naging dahilan ng pagtagilid nito.

“Nagsarili kasi iyon, iyong mga pahinante ang na-damage at may isang namatay. Walang kakasuhan kasi nakausap namin ang pamilya ng namatay at wala naman dahil purely accident naman iyon,” pahayag ni P/Maj. Romerico Remo, hepe ng San Vicente Municipal Police Station (MPS).

“Iyong truck, galing sa site nila sa Port Barton at may karga silang bakal. Pupunta sana silang Roxas at idi-distribute iyon sa area na pupuntahan nila. Nakita namin na nawalan ng control ang sasakyan, at ang ibang bakal napunta na sa isang side kaya nahirapan na ma-control ng driver,” paliwanag ni Remo.

Pagtagilid ng sasakyan ay naipit ang pahinante ng mga bakal. Siyempre mabigat iyong karga at hindi na kinaya ng preno.

Ang biktima ang nasa ibabaw ng karga nilang bakal, at nang tumagilid ang truck, nauna siyang nahulog at ang mga bakal ay tumama sa kanya.

Agad namang nabigyan ng tulong ang mga biktima at dinala sa  Roxas District Hospital kung saan naideklarang dead on arrival si Imperial.

“Iyong iba ay stable naman at nakalabas na ng hospital na sina Juanito at Crisencio, iyong iba naman nasa hospital pa kasi may fracture. Ang company nila is United Auctioneer Incorporation,” ani Remo.

Previous articleBayan ng Bataraza muling naglabas ng bagong travel restrictions
Next articleEDITORIAL: Understanding Puerto Princesa City’s CVD19 numbers