Isa nasawi sa COVID-19 sa Brooke’s Point

BROOKE’S POINT, Palawan — Isang 86 taong gulang na babae ang namatay dahil sa COVID-19 sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) noong Linggo ng gabi, May 16.

Ayon kay Dan Esmerio, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bandang alas siyete ng gabi ay binawian ng buhay ang pasyente at agad na inilibing noong Lunes ng umaga, Mayo 17.

Ito na ang ikatlong pasyente ng COVID-19 na binawian ng buhay sa bayang ito.

Patuloy ang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng biktima upang isailalim sa pagsusuri.

Samantala, bumaba naman ang bilang ng active case sa Brooke’s Point. Matapos magtala ng anim na recoveries sa kasalukuyan ay mayroon na lamang walong pasyente na patuloy na sumasailalim sa gamutan sa isolation facilities.

Ang mga gumaling na pasyente ay mula sa mga barangay ng Aribungos – 1; Calasaguen – 1; Ipilan – 1; Pangobilian – 1; Poblacion District I – 3; at Poblacion District II – 1.

Sa huling tala ng bayan ngayong araw ay may kabuuang limang bagong local case samantalang 133 naman suspect at 61 ang probable cases.

Ang limang bagong kaso ay kinabibilangan ng dalawang babaeng 34 taong gulang mula sa Barangay Ipilan at 85 taong gulang mula sa Barangay Poblacion District II, dalawang lalaking edad 60 at 64 mula sa Poblacion District I at isang lalaking 31 taong gulang mula sa Barangay Poblacion District II.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry