ODIONGAN, Romblon — Pormal nang ibinigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamahalaang lokal ng Odiongan ang pinondohan at pinatayo nilang Community Fish Landing Center (CFLC) sa nasabing bayan.
Dinaluhan ang turn-over ceremony nina Alvin Decena, representative ng BFAR-Mimaropa, OIC-Provincial Fishery Officer Luisito Manes, Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic, at Vice Mayor Diven Dimaala.
Layunin ng BFAR-Mimaropa na masigurong mas mapapabuti ang kabuhayan ng mga mangingisda sa nasabing barangay sa pamamagitan ng ipinatayong pasilidad.
Hangad ng ahensya na maiangat ang kabuhayan ng mga mangingisda na naninirahan sa mga komunidad na may mataas na insidente ng kahirapan.
Ang nasabing P3 milyong halaga na CFLC ay may pasilidad para sa pagsasanay sa disaster-resilient fisheries-based livelihood at resource management na siyang tututok sa huling mga isda.
Maari ring imbakan ito ng mga lamang-dagat namahuhuli at iba pang mga fishery products.
Ayon kay Luisito Manes, OIC-Provincial Fishery Officer, isa lamang ang Community Fish Landing Center (CFLC) na ipinatayo sa Barangay Tumingad sa Odiongan sa 15 CFLC na ipinatayo ng BFAR sa buong lalawigan ng Romblon simula pa noong nakaraang taon.
Dumalo rin sa nasabing turn-over ceremony ang mga mangingisda mula sa nasabing barangay na siyang pangunahing benepisyaryo ng nasabing pasilidad. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)