Makikita sa larawan ang mga raliyista na patuloy na nagbabarikada upang pigilan ang operasyon ng Ipilan Nickel Corporation sa bayan ng Brooke's Point. Ito ay kuha noong March 13 matapos isilbi ng korte ang temporary restraining order upang kanila nang baklasin ang kanilang protesta. | Palawan News file photo

Isinasaalang alang ng Ipilan Nickel Corporation ang kaligtasan ng mga raliyista, lalo na ng mga bata na isinama sa human barricade upang pigilan ang pagtawid ng truck ng kompanya ng mina sa kanilang haul road.

Ayon sa pamunuan nito, sa kabila ng tensyon, mainit na emosyon ng mga patuloy na nagproprotesta, at hindi nila pagtalima sa temporary restraining order (TRO) na inilabas ng korte, tinitiyak nila ang kaligtasan ng mga ito.

Noong araw na pigilan ng mga raliyista ang kanilang truck, mas minabuti nilang huwag itong itawid para sa kaligtasan ng lahat, pahayag ng Ipilan Nickel. Gayunpaman, ipinaalala nito na ang pagsuway ng mga ito sa TRO at ang kanilang pagharang sa daanan ay malinaw na paglabag sa batas at may kaakibat na parusa.

Dahil sa barikadang ginagawa ng mga raliyista ay apektado ang operasyon ng minahan maging ang kabuhayan ng ilan sa kanilang empleyado at empleyado ng kanilang mga kontraktor, ayon sa pahayag ni Alex Arabis, ang resident mine manager ng Ipilan Nickel.

Ngunit sa kabila nito ay nananatili pa rin ang kompanya sa paggawa ng mga hakbang na naaayon sa batas. Sa kasalukuyan ay halos 1,500 na ang nabibigyan ng Ipilan Nickel ng hanapbuhay. Kabilang na dito ang ang 90% na mga residente ng Brooke’s Point sa southern Palawan, at 28% naman sa kabuuang mga empleyado ay mga katutubo.

“Bilang responsableng kompanya na responsableng tumutupad sa aming proyekto sa national government, lagi naming tinitiyak na ang aming mga hakbang, paraan, at mga solusyon ay naaayon sa batas upang matiyak ang maayos at payapa na resulta nito,” pahayag ni Arabis.

Matatandaan na noong March 13 ay isinilbi ni Sherif Clodualdo Levita ang TRO sa mga nagproprotesta, subalit kanila itong tinanggihan.

“Lahat ng tao na umuukopa ngayon sa pribadong pag-aari ng Ipilan Nickel Corporation, meaning lahat po nang nagpa-participate ngayon [sa rally], kayo po ay inuutusan at pinagbabawalan ng hukuman from stopping o pagpapatigil, apprehending o pagsita, searching o pahririkisa o paghahanap, obstructing o paghadlang at paglapit sa lahat ng sasakyan na gumagamit ng mga daanan,including the main haul road kung saan dumadaan ang kanilang mga truck” bahagi ng paliwanag ni Levita.

Ipinaliwanag din ni Levita ang maaaring kaharapin ng mga raliyista sakaling sila ay hindi sumunod sa utos ng korte.

“Kung lalabag po kayo doon sa sinasabi ng TRO, ulitin ko, pinapaalala ko lang po, maaaring magkaroon kayo ng paglabag at lahat po ng paglabag ay may karampatang parusa,”babala ni Levita sa mga nagpoprotesta.

Sa pag-aakalang susunod ang mga raliyista sa utos ng korte ay sinubukan ng kompanya na itawid ang truck sa kanilang haul road, ngunit dahil nagmatigas ay gumawa sila ng human barricade, kasama ang mga bata, upang harangan ang nasabing truck.

About Post Author

Previous articleRice, vegetables, and meat, the top 3 most wasted foods among Filipino households
Next articleICMA relaunches student chapter at PSU
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.