Ang Rice Combine Harvester na nasunog sa Mambalot Brooke's Point, Mayo 3. (PN photo)

BROOKE’S POINT, Palawan — Nag-alok ng pabuya na P100,000 ang Ipilan Nickel Corporation (INC) sa sino mang makakapagturo sa suspek na responsable sa pagsunog sa rice harvester na kanilang ipinagkaloob sa mga magsasaka sa Barangay Mambalot.

Ang pag-aalok ng pabuya ay ginawa kahapon, Mayo 3, ng pamunuan ng Ipilan mining bunga na rin ng panghihinayang sa malaking tulong sana ng rice harvester sa mga magsasaka.

Ayon kay Ipilan nickel resident mine manager Alex Arabis, malinaw na ang ginawang pagsunog sa mahalagang gamit ay “harassment” na matatawag dahil tila ibig nitong gambalain ang kanilang pagnanais na makapagbigay ng tulong sa mga taga Mambalot, lalung lalo na sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka.

“Dalawa ito, ang isa ay safe sa Maasin. Itong sinunog ay dito sa Mambalot — malaki ang effect nito sa [kabuhayan] ng ating mga magsasaka na instead na mayroon silang gagamitin at makakatipid sana dahil nagrerenta pa sila [ay ngayon ay wala na],” pahayag ni Arabis.

- Advertisement -

Aniya, isa ang rice harvester sa dalawang unit na pinondohan sa ilalim ng Social Development Management Program (SDMP) nila para makatulong sa mga taga Mambalot.

Dahil mahirap manghula kung sino ang responsable sa insidente, minabuti nilang hingiin ang tulong ng publiko para maituro kung sino ito, ayon kay Arabis.

“Mahirap mag-speculate, malapit na ang eleksyon, hindi naman lingid sa lahat na mainit ang usapin ng pagmimina sa Brooke’s Point, ipapaubaya natin sa ating otoridad kung sino man ang posibleng gumawa nito,” dagdag niya.

Aniya, ang insidente ay hindi magiging hadlang para hindi maipagpatuloy ang kanilang mga programa na makikinabang ang mga komunidad sa Brooke’s Point, lalung lalo na sa mga magsasaka dito.

Ipinahayag pa ni Arabis na mas palalakasin nila ang SDMP para sa pag-implementa ng mga proyekto sa mga barangay maging katuwang ang Ipilan nickel ng pamahalaang lokal sa pagpapaunlad ng kabuhayan.

Hindi rin ito ang unang mga pagkilos na isinagawa laban sa kanilang kompanya, aniya. Nitong mga nakalipas na taon, mayroon na ring mga grupo ng indibidwal ang patuloy na kumokontra sa operasyon ng INC.

“Historically, 2, 3 years back, mayroon na ring mga bayolenteng pagkilos — giniba ang mga building at mga facilities ng Ipilan. In fact, may iilan pa ngang nasuspende sa kanilang posisyon, may mga pending administrative and criminal case pa,” dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam sa mga magsasaka ng Mambalot, sinabi ng mga ito na malaki sana ang maitutulong sa kanila ng proyektong ibinigay ng INC. Bukod sa mapapaliit ang kanilang gastos sa renta ay makakatulong pa ito sa kanilang asosasyon.

Ayon kay Jelyn Singio ng Mambalot Farmers Association (MFA), maging sila ay nanghihinayang sa isang makinarya na sinunog.

“Nakakalungkot, makakatipid sana kami sa gastos pero ngayon, wala na kaming mapapakinabangan, sayang ang harvester na para sana sa asosasyon namin at sa mga magsasaka,” sabi ni Singio.

Matapos ang nasabing insidente, ayon kay Arabis, mas paiigtingin nila ang pagmomonitor ng seguridad ng kanilang mga proyekto sa mga komunidad upang hindi na maulit ang nangyari.

Katunayan, mayroon silang mahigit P20 milyon na alokasyon ngayong taon para sa pagpapatupad pa ng maraming mga programa sa mga barangay, katulad ng programang pangkalusugan, agrikultura at pagbibigay ng trabaho sa mamamayan.

“In terms of operation, patuloy kaming mag-i-implement ng mga projects. More vigilant na kami sa INC, patuloy kaming makikipag-ugnayan sa mga barangay units natin, naniniwala kami na hindi ito gawa ng normal na tao ang pagsira sa ganitong programa ni Ipilan,” paliwanag Arabis.

Previous articleAFP gets $2.3-M military equipment grant from US
Next articleOWWA announces opening of scholarship program for OFW dependents
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.