Nagpapasalamat ang Ipilan Nickel Corporation sa isinagawang committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan nitong unang linggo ng Pebrero na nagbigay ng paliwanag hinggil sa naganap na pagbaha sa bayan ng Brooke’s Point noong December 2022 at ngayong January 2023.

Sa ipinadalang pahayag ng Ipilan Nickel, sinabi nitong lumabas sa imbestigasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga naganap na pagbaha noong December 26, 2022, at January 4-5, 2023, ay malinis ang mga water discharge nila.

Wala ring nakita na landslide o soil erosion sa mine pit ng Ipilan Nickel, at base pa rin sa imbestigasyon, may mga mapupulang bato ang mga ilog sa mga barangay ng Mambalot at Ipilan na siyang dahilan kung bakit mapula ang tubig baha at lupang umagos.

Matatandaan na ayon sa ulat ni Merari Rosaroso ng MGB sa MIMAROPA, ang putik at tubig baha ay nagkulay pula dahil merong mga mapulang bato sa gilid na madaling mabasag.

“Sa imbestigasyon ko, dito sa area ng Ipilan River at sa Mambalot area ay medyo mapula ang putik. Tiningnan ko yung mga bato, yung mga graba sa gilid, may mga bato doon na green, may mga bato doon na madaling mabasag na medyo mapula. Yung mga silt stone na yun, mapula,” pahayag niya.

So, kung meron kang bundok na gawa sa ganyang bato na medyo mapula, pwede syang gumagawa ng mapulang putik. Tapos pwedeng babagsak sya sa ilog at pwedeng magcontribute sa kulay ng tubig baha,” paliwanag pa niya sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Sa parehong pagkakataon din pinasinungalingan ni Domingo Bernas, kapitan ng Brgy. Maasin, ang sinasabi ng ilan na ang mga pagbaha ay unang pagkakataon na nangyari sa kanilang lugar.

Ayon sa kanya, taong 1975 ay nakaranas na ng matinding baha ang kanilang barangay at iba pa sa Brooke’s Point dulot ng bagyong Enyang. May nangyari rin na malawakang pagbaha nung July 24-27, 2005, na naka-apekto sa 13 barangay.

Pahayag ng Ipilan Nickel, base sa kanilang monitoring, ang pag-ulan sa Brooke’s Point ay naitala sa 191.5mm noong Deceber 26, 121.8mm noong January 3, at 225.5mm noong January 4.

“Isa sa pangunahing dahilan ng pagbaha sa maraming barangay ng Brooke’s Point,” pahayag ng Ipilan Nickel.

Kaugnay naman sa kanilang certificate precondition (CP), ipinaliwanag ng kompanya na sumunod sila sa proseso alinsunod na rin sa mga alituntunin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), na nagsagawa ng serye ng community consultation at desicion-making sa mga katutubo noong June 19 at August 4, 2022.

Ang mga aktibidad ay isinagawa sa mga barangay ng Calasaguen, Maasin, Mambalot, Ipilan, Barong-Barong, at Aribungos.

Dumalo din sa konsultasyon ang ELAC at ilang konsehal ng munisipyo, kung saan dito ay bumoto ang katutubo sa pagsang-ayon nila sa operasyon ng Ipilan Nickel.

“Nanalo sa botohan ang mga sang-ayon sa operasyon ng INC. Sa kabuuan, 3,739 ang mga bumoto pabor sa operasyon ng INC. 614 ang hindi sumang-ayon sa Barangay Aribungos, samantalang sa Brgy. Calasaguen ay sumang-ayon sa pagmimina ang lahat ng mga katutubo, habang ang mga katutubo mula sa mga barangay ng Barong-Barong, Ipilan, Mambalot, at Maasin ay nag-concede sa botohan,” ayon pa sa pahayag ng Ipilan Nickel.

“Sa usapin naman ng mayor’s permit, ang INC ay nagsumite na sa munisipyo ng mga kaukulang requirement noong Enero 10, 2023, para sa aming renewal at aming hinihintay na lamang ang assessment ng Treasurer’s Office upang aming mabayaran ang local business tax,” dagdag pa ng kompanya sa kanilang pahayag.

Paliwanag ng Ipilan Nickel, sa kanilang hangarin na maging katuwang ng bayan at ng mga mamamayan sa progreso, umabot na sa P53.3 milyon ang naging kontribusyon nila sa sa komunidad.

“P20.8 million ay napunta sa mga proyekto at programa para sa mga barangay ng Maasin, Calasaguen, Mambalot, at Ipilan. Habang P15 milyon naman ang naitulong ng INC sa komunidad sa ilalim na Corporate Social Responsibilty (CSP) at P17.5 milyon naman ang pondo para sa mga programa at proyekto para sa IP community na sakop ng aming operasyon,” ayon pa rin sa Ipilan Nickel.

Sa kasalukuyan ay halos 1,500 empleyado na ang natutulungan ng Ipilan Nickel na magkaroon ng kabuhayan, at 90% nito ay mga residente ng Brooke’s Point, at 28% naman sa kabuuang bilang ng mga empleyado ay mga katutubo ng nasabing bayan.

“Asahan ninyo ang mas marami pang mga proyekto at programa na aming ihahatid sa mga mamamayan at ang aming patuloy na pagpapaabot ng tulong tungo sa patuloy na pag unlad ng bayan,” pahayag pa ng Ipilan Nickel.

About Post Author

Previous articleGateways most essential parts of tourism recovery from pandemic
Next articlePCSD, MFI renew partnership for coastal and marine resources management
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.