Inuman ng mga magsasaka, nauwi sa pananaga


Nauwi sa pagtatalo at kalaunan ay pananaga ang inuman ng kapwa magsasaka sa munisipyo ng Coron noong Linggo ng hapon.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPO), ang biktima na si Romeo Decalao Monteverde, 59, at may-asawa. Ang suspek naman ay si Alan Diaz Salmone, 41.

Parehong residente ang dalawa ng Sityo Tulbuan, Barangay Decalachao sa Coron.

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, ang biktima at ang suspek ay nag-iinuman kasama ang iba pa nilang mga kaibigan ng biglang magkainitian at pagkatapos ay magtalo.

Matapos ang pangyayari ay umuwi si Monteverde sa bahay nito upang diumao ay kunin ang itak at magbalik sa lugar ng inuman.

Sabi ni Ramos, maging ang biktimang si Salmone ay kumuha rin ng itak at pagkatapos ay nagtagaan na ang dalawa.

Parehong nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang suspek at biktima. Kapwa nasa ospital ngayon ang mga ito para mabigyang lunas ang mga tinamong sugat.

Sabi ni Ramos, hindi pa siya nakakatanggap ng balita kung ano na ang lagay sa ngayon ng dalawa.

Meron din na sinasabing unawaan na baka mag-ayos na lang ang mga ito hinggil sa nangyari.

“Most likely nagse-settle ‘yong dalawang side. Kapag nag-settle sila outside PNP na ‘yon. Hinihintay na lang sila ngayon sa station kung magsasampa ng kaso,” pahayag ni Ramos.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...