Sinimulan na ng Philippine Coconut Authority (PCA)–Palawan ang pamamahagi ng insentibo para sa mga magsasaka ng niyog na kumuha ng programang Accelerated Coconut Planting and Re-Planting Program (ACPRP) noong 2018.
Ang programa ay ipinatutupad sa ilalim ng participatory coconut planting project ng gobyerno na naglalayong mahikayat ang mga magsasaka na tangkilikin ang pagtatanim at pag-aalaga ng niyog.
“Iyong mga nag-avail ng project noong nakaraang taong 2018, maaari niyo na pong makuha ngayon,” pahayag ni Ralph Noel Navarro, kinatawan ng PCA sa ginanap na pagpupuong ng Provincial Cooperative Development Council (PCDC) kamakailan.
Aniya, ang mga ibinibigay na insentibo sa kasalukuyan ay matatanggap ng mga magsasaka na nagtanim ng niyog noong nakalipas na taon, lumago at nabuhay ang kanilang bawat punong itinanim na binantayan ng PCA sa loob ng anim na buwan.
Paliwanag ni Navarro, ang isang magsasaka ay tatanggap ng halagang PhP40 sa bawat isang puno na na-stabilize.
“Halimbawa ikaw ay nagtanim ng mga puno ng niyog, imo-monitor ito ng PCA sa loob ng anim na buwan, kapag nagtagumpay ang iyong itinanim na puno ng niyog, may matatanggap kang insentibo,” pagdedetalye ni Navarro.
Dagdag pa ni Navarro, estratehiya ito ng pamahalaan upang mahikayat pa ang mga magsasaka na magtanim ng niyog at mapanatili at mapaangat ang industriya ng pagniniyog sa bansa. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)