Umaabot sa kabuuang bilang na 1,603 ang mga indigent senior citizen at person with disabilities (PWD) na nakatanggap ng kanilang pension mula sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Local Social Pension Program for Indigent Senior Citizens and Indigent Persons with Disabilities sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa anim na munisipyo.
Ang bilang ng nakatanggap, ayon sa ulat na inilabas ng PSWDO sa social media noong Pebrero 4, ay naninirahan sa mga bayan ng Aborlan, Narra, Quezon, Bataraza, El Nido, at Linapacan.
Sa bayan ng Quezon, nasa 500 na mga indigent senior citizen ang tumanggap ng pension na ang kabuuang halaga ay P750,000; 601 sa Bataraza na may natanggap na kabuuang P880,500; 51 sa Linapacan na nakatanggap ng kabuuang halaga na P76,500; at 237 sa bayan ng El Nido na tumanggap ng kabuuang P355,500.
Kasabay din na ipinagkaloob ang pensyon para sa mga PWD sa mga nabanggit na bayan. Sa Linapacan ay 35 na PWD ang nakatanggap ng kabuuang halaga na P135,000; 44 sa El Nido na may kabuuang halaga na P132,000; 40 sa Aborlan na nakatanggap ng P360,000; 60 sa Narra na tumanggap ng kabuuang P540,000; at 35 PWD sa Bataraza na tumanggap ng kabuuang P315,000.
Ang pensyon na natanggap ng mga indigent senior citizen at PWD ay inaasahan na makakatulong sa kanilang mga gastusin sa gamot at pagkain, ayon sa PSWDO sa ilalim ni Abigail Ablaña.
