Tanging ang independent party lamang ni mayoral aspirant Abner Tesorio sa bayan ng Sofronio Española ang unang nagsagawa ng rally sa pamamagitan ng motorcade sa unang araw ng local campaign, noong Biyernes, Marso 25.
Isinagawa nito ang proclamation rally sa Pulot Center Gym kasama ang dalang apat na konsehal na sina Toto Gatungay, Jayson Montargo, Boy Kilat, at Juhad Harmain, bago isinagawa ang motorcade dakong alas dos ng hapon.
Samantala, ang katunggaling sina Rona Chou, Ibnuhar Abdulpatta, Linda Mamah, at Amir Hanapi, kasama ang kanilang mga supporters, ay nagsagawa na lang muna nang pagkakabit ng mga campaign material sa siyam na barangay.
Ayon kay Chou, sa Marso 28 pa ang kanilang Partidong Team Sentro sa ilalim ng Partidong Pagbabago ng Palawan (PPP) magsasagawa ng house-to-house visitation.
“Monday pa ang aming grupo, house-to-house campaigning sa buong siyam na barangay sa loob ng 9 to 10 days,” sabi ni Chou.
Aniya, may mga naka-schedule na rin silang mga barangay rally kasama ang buong partido ng PPP.
Paalala ni Maria Lourdes Carolasan, ang siyang election assistant II, dapat nilang sundin ang health and safety protocols sa pagsasagawa ng kampanya hanggang Mayo 7 habang nahaharap pa rin sa pandemya ang bansa.
Sa bayan na ito, 35 na political aspirants ang magkakatunggali sa darating na halalan. Lima ang kandidatong mayor, tatlo sa bise mayor, at 27 sa pagka konsehal ng Sofronio Española.
