Ang Commitee of the whole ng Sanguniang bayan ng Brooke's Point habang isinasagawa ang hearing sa Ipilan Nickel Corporation (INC). PN file photo

Handang punan ng pamunuan ng Ipilan Nickel Corporation (INC) ang anumang pagkukulang sa kanilang operasyon sa pagmimina sa Brooke’s Point.

Sa isinagawang pagpupulong ng Committee of the Whole ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point, noong July 22, inilatag ng mga miyembro ng SB ang diumano ay kakulangan ng INC sa pagkuha ng Certificate of Precondition (CP) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ayon sa INC, nagkaroon sila ng aplikasyon ng CP sa NCIP taong 2006, ngunit ipinaliwanag sa kanila na hindi na nila kailangan ang CP dahil aprubado na ang kanilang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) No. 017-93-IV noon pang September 18, 1993, bago pa naisabatas ang IPRA Law.

“Sa katunayan [noong] 2006 nagkaroon ng tugon ang NCIP sa INC base po sa aming aplikasayon for CP na kami daw po ay hindi na dapat kumuha ng CP sa kadahilanang dahil ang aming MPSA ay naaprubahan na po bago pa ipatupad ang IPRA,” ayon kay Atty. Roy Madulid, representante ng INC.

Nilinaw din ni Atty. Madulid na wala silang naging partisipasyon sa isinasagawang Community Consultative Assembly (CCA) ng NCIP sa mga barangay ng Brooke’s Point, maging sa mga alegasyon na pagbibigay ng suhol sa mga katutubo, at sa mga community chieftains upang pumayag sa pagmimina.

Ipinaliwanag naman ng NCIP ang dahilan ng isinagawa nilang CCA.

“This is for the renewal po presiding officer of INC, kaya po ang NCIP ay nagka-conduct ng mga series of CCA sa mga barangay ng Brooke’s Point,” paglilinaw ng pinuno ng NCIP-Palawan na si Atty. Jansen Jontilla.

“Ang kahalagahan ng CP ay nakalagay naman sa law na lahat naman ng projects before mag-start ay may kailangang CP, sa proponent po natin [na Ipilan Nickel Corporation], kung mayroong CP, nagpapakita ito na ang IP community o katutubong pamayanan na nagkokober sa area ay mayroong pagpayag,” dagdag paliwanag ni Jontilla.

Ayon pa kay Jontilla, ang kasalukuyang CCA ng NCIP na isinasagawa ay paghahanda nito sa aplikasyon ng MPSA at proseso na rin para sa Free Prior and Informed Consent (FPIC) upang mapagkalooban ng CP ang INC.

Ang hearing ay pinangunahan ni Vice Mayor Mary Jean Feliciano, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mismong mga matataas na opisyal mula sa nasabing kompanya. Dumalo din ang ilang opisyal ng NCIP at mga magsasaka mula sa mga barangay ng Barong-barong, Maasin, Calasaguen, at Ipilan.

Ayon kay Feliciano, bahagi ito ng mandato sa kanila ng mamamayan na pangalagaan ang seguridad ng mamamayan pagdating sa usaping pangkalikasan, kaya nais nilang mabigyang linaw mismo mula sa INC kung ano ang kasalukuyang mga pinanghahawakan ng nasabing kompanya para magsagawa ng pagmimina.

Dagdag pa ni Feliciano, sumusunod lamang siya sa pagpapatupad ng mga environmental laws na dapat masunod ng mga kompanya ng mina at dapat ding maikonsidera ang pagtutol ng mamamayan sa pagmimina sapagkat sila ang unang-unang binabato ng mamamayan na apektado dahil sila ang mga opisyal ng bayan.

Sa huli ay siniguro ng INC na kanilang susundin ang lahat ng isinasaad ng batas para maging maayos ang kanilang operasyon.

“Hindi kami perpektong kompanya ngunit sisikapin namin [na tugunan] kung may mga pagkukulang man kami sa pamahalaang lokal at sa mamamayan katulad po nitong pagsunod sa renewal namin,” ayon pa sa pamunuan INC.

Previous articleTK-WPU-IEG rounds off environmental projects in Culion municipality
Next articlePBBM emphasizes need for ‘disaster-proof’ planning
is the news correspondent for Sofronio EspaƱola and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.