Inarestong suspek ng Brooke’s Point MPS sa pagpaslang sa mag-ina sa Brooke’s Point noong Enero 2, mismong asawa ng biktima

[UPDATED] Inihahanda na ng pulisya sa Brooke’s Point ang pagsasampa ng kasong double parricide laban kay Arnel Abit na pumaslang sa kanyang mag-ina noong madaling araw nang Enero 2 sa Sitio Upper Bubog, Barangay Amas.

Base sa bagong impormasyon na nakalap ng Palawan News mula sa Brooke’s Point MPS, inaayos na ang mga ebidensya laban kay Arnel para sa inquest proceeding.

Nasa kustodiya pa rin si Arnel ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) matapos siyang maaresto dahil diumano sa pagpaslang sa kanyang 17 taong gulang na asawa na si Darlene Abit, at anak nilang lalaki na 14-month-old lamang.

- Advertisement -

Ang pag-aresto kay Arnel ay taliwas sa naunang pahayag ng mga saksi at ni Amas barangay captain Restituto Panganiban na ang suspek ay isang residente na kilala bilang “alyas Mayong”.

Sa pahayag ng imbestigador ng kaso na si P/SSg. Ralph Calingayan, tikom ang bibig ni Arnel hanggang sa ngayon kaugnay sa motibo nito sa pagpatay sa kanyang mag-ina.

May kinalaman umano sa pag-aresto kay Arnel ang isang kamag-anak na nakita ang mga bagay na ginamit nito sa pagpatay.

Hindi na ito pinangalanan ng imbestigador sa Palawan News.

“Wala pa siyang inaamin, naka-base kami ngayon sa mga naging pahayag ng lolo niya at mga nakitang ginamit sa pagpatay,” pahayag ni Calingayan.

Sa pahayag ni Calingayan, naabutan nila ang lolo ng suspek sa lugar kung saan naganap ang krimen.

Kasama ang lolo ng suspek ay tinahak nila ang daan patungo mismo sa sariling bahay nito, kung saan sila ay may nakitang mga bakas ng dugo.

“Sinundan namin ang daan ng lolo niya (Arnel), may mga nakita kaming mga bakas ng dugo. Nagsabi na din sa amin ang matanda na, pumunta sa kanya si Arnel, tapos yumakap sa kanya, at saka nagsabi. Nakita din namin ang mga gamit na ginamit sa pagpatay at saka ang damit ng suspek na puno pa ng dugo” dagdag pahayag ni Calingayan.

Sa ngayon patuloy pa din ang ginagawang imbestigasyon at pagtatanong ng pulisya kaugnay sa kaso.

Bagama’t hawak na nila ang isa sa posibleng suspek patuloy pa din ang pangangalap nila ng karagdagang ebidensya at impormasyon, ayon kay Calingayan.

Si Darlene at anak nito ay pinaslang noong ala una ng madaling araw nang Enero 2.

Matatandaan na mismong si Palawan Provincial Police Office director P/Col. Adonis Guzman ang mismong nag-utos sa Brooke’s Point MPS na agad arestuhin ang suspek sa pagpatay at agad itong sampahan ng kaso.

Previous articleThe legacy of UP Law Dean Merlin Magallona
Next articleU.S. military holds tactical combat casualty training in Palawan, Zambales
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.