Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na robbery-holdup sa mag-asawang may-ari ng BCM Frozen Goods Store sa Tiansuy Go Road sa Barangay San Jose, Lungsod ng Puerto Princesa dakong 10:20 ng gabi noong Huwebes, Marso 12, upang matukoy ang dalawang hindi nakikilang suspek.
Aabot sa P600,000 ang halaga ng pera na natangay sa mga biktima na sina Mark Anthony Caadan, 40, at common law wife nito na si Neneth Saguban, 24. Ayon sa inisyal na ulat mula sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si P/Lt. Col. Alonso Tabi, ang shoulder bag ni Saguban ay may lamang P500,000 in cash, samantalang P100,000 naman ang halaga ng GCash load na mayroon sa dalawang cellphones na natangay ng mga suspek.
Ayon pa sa pahayag ni Tabi, nangangalap pa rin sila ng karagdagang impormasyon para matukoy ang pagkakakillanlan ng dalawang hindi nakikilalang suspek para malutas ang kaso.
Dagdag niya, ito ang kauna-unahang insidente ng robbery-holdup sa lungsod ngayong taon, kaya naman kasama sa inaalam nila ay ang pinagmulan ng mga posibleng suspek.
“As of now ay wala pa kaming suspek. Kahapon naglakad ang mga tao namin, at may mga taong pinuntahan pero negative ang resulta,” pahayag ni Tabi ngayong Marso 14.
“Sa ngayon hindi pa natin masabi kung ang mga suspek ba ay taga Puerto lang o outside ng city. Ang setup natin sa Palawan ay napakalaking mainland kaya ang mga tao, anytime ay madaling pumasok at lumabas. Isa yun sa inaalam pa namin,” dagdag paliwanag niya.
Ani Tabi, ang pag-i-imbestiga ay hindi ganoon kabilis ang proseso lalo na at walang testigo na makakapagtuturo kung sino talaga ang dalawang suspek.
“Sa side ng PNP, patuloy kaming magko-collect ng mga impormasyon na magagamit namin para ma-identify ang mga suspek, sa pakikipagtulungan na rin ng mga biktima,” ayon kay Tabi.
Lumalabas din na unang tinutukan umano ng baril ng isa sa mga hindi nakikilalang suspek si Saguban habang ibinababa niya ang dalawang anak mula sa kanilang sasakyan. Kadarating lamang nila sakay ng kanilang puting freezer van mula sa bayan nang mangyari ang insidente.
Sinubukang habulin ni Caadan ang mga suspek, subalit binaril umano ito ng isa sa mga suspek, ngunit hindi tinamaan.
Hindi nakilala ng mga biktima ang mga suspek dahil sa madilim ang lugar, at walang kuryente. Posible rin umano na pinagplanuhan at minanmanan ng mga suspek ang kilos ng mag-asawa bago isinagawa ang pangho-holdup.
