Jul 8, 2020

Ilang residente sa Berong tutol sa planong pagpapaalis

Noong buwan ng Marso sa taong ito, ipinatawag sa Berong ang lahat ng mga residente na nakatira sa tabi ng lawa. Sila ay kinausap tungkol sa plano ng lokal na pamahalaan para sa pagsasaayos ng lugar upang gawin itong eco-tourism site.

QUEZON, Palawan — Umaalma ang may-ari ng 10 bahay sa Barangay Berong sa bayan na ito sa planong pagpapaalis sa kanila sa tabi ng lawa ng Tagbunsaing.

Noong buwan ng Marso sa taong ito, ipinatawag sa Berong ang lahat ng mga residente na nakatira sa tabi ng lawa. Sila ay kinausap tungkol sa plano ng lokal na pamahalaan para sa pagsasaayos ng lugar upang gawin itong eco-tourism site.

Ayon sa kanila, simula pagkabata hanggang sa pagtanda ay sa Tagbunsaing na sila nakatira.

Ayon sa residente na si Antonio Lubredo, tumututol sila na huwag paalisin sa tabi ng lawa hangga’t hindi dumadaan sa legal na paraan ang aksyon. Batas lang ang puwedeng magsabi kung sila ay walang karapatan sa lupain na kinatatayuan ng kanilang bahay.

“Matagal na kami rito, masukal pa ito dati, nandirito na kami. Pero ngayong may development na sa lugar, basta-basta na lamang nila kami paalisin? Hindi kami papayag, kahit sa korte pa kami magpang-abot. Kung mismong ang batas na ang magsasabi na mali kami, saka kami susunod. Basta may ipakita lang sila na legal na dokumento sa amin na nagsasabi na wala kaming karapatan dito. Pare-parehas naman tayong mga tao, hindi ba? Dapat lang irespeto nila kami,” ayon kay Lubredo.

Sabi niya, hindi rin tama na sila ay paalisin ngayon kung kelan may krisis sa COVID-19 na hinaharap ang bawat Pilipino.

Ayon naman kay Kgd. Rodel Arellano, ang chairman ng committee on environment sa Berong, inimbitahan ang mga residente na nakatira mismo malapit sa lawa dahil may nagbakod ng bahay na konkreto.

“Ating inimbitahan ang mga residente na nakatira malapit mismo sa lawa dahil nga sa mayroong usapin tungkol dito. Binakuran na ng konkreto ang bahay sa tabing lawa, mayroon ding mga nagkakaingin sa lugar at mga bagong nagpapatayo ng bahay,” pahayag ni Arellano.

 

 

Aniya, kapag hindi naagapan ang sitwasyon, mas lalo pang dadami ang magpapatayo at hindi na ito mapipigilan balang araw lalo na at ito ay ipinapanukala na gawing eco-tourism site.

Ang panukala ay upang magkaroon ang Berong ng tourism attraction at makapagbigay din ng hanapbuhay sa mga lokal na residente.

“Kung saka-sakali man na talagang papaalisin sila sa lugar ay mayroon silang malilipatan na pagtatayuan ng kanilang bahay muli,” dagdag ni Arellano.

Sa panayam naman kay Esperanza Caabay, ang pinuno ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), sinabi nito na noong May 1, 2020, ay nagkaroon sila ng ocular inspection sa Tagbunsaing at nakita nila na mayroong pagkakaingin sa lugar.

Aniya, nakakalungkot isipin na habang pinangangalagaan ang kalikasan ay unti-unti naman din itong sinisira. Mayroon din na mga bahay na malapit mismo sa lawa na itinayo.

“Sinabi ko doon sa caretaker na tigilan na ang pagkakaingin at huwag nang dagdagan pa lalo na yong mga puno sa tubig ay huwag puputulin. Mabuti naman at nakinig sila. Pagbalik ko ulit, hindi na nadagdagan ang mga putol na puno,” pahayag ni Caabay.

Kaugnay dito, idinagdag niya na gagawaan niya nang aksyon ang usapin. Magpapatawag sila nang pagpupulong kasama ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), barangay, at ang mga may-ari ng lupa.

Kasama sa iimbitahan ang isang nagngangalan na Victor Emmanuel Catingub na Sangguniang Bayan member na diumano kinaingin at pinabenta ng P150,000 ang lupa kay Dante Rabang na siyang may ari ngayon.

Sabi ni Caabay, maaaring maganap ang pagpupulong sa Lunes, May 18.

Nagbabala siya na kung kailangang may managot sa batas ay dapat managot dahil sa nangyaring pagkakaingin at pagputol ng kahoy malapit sa lawa ng Tagbunsaing.

Ayon naman kay indigenous peoples mandatory representstive (IPMR) Herminio Catiao, katutubong Tagbanua at isang tradisyunal lider at pangulo ng Berong Aramaywan Tagbanua Association Inc. (BATA Inc.), ang lupa na kinatitirikan ng mga bahay sa Tagbunsaing ay walang titulo at hindi maaaring angkinin ng mga dayuhan.

“Ang mga sagradong lugar namin dito sa Berong ay isa sa pinakamahalagang ala-ala at bahagi ng aming tradisyon, ang lawa ng tagbunsaing ay hindi po dapat tinitirahan ng mga dayuhan at ito ay wala silang titulo na pinapanghawakan na makapag papatunay na sa kanila ang lupa, bawal din po itong ipabenta kanino man lalong lalo na ang hindi katutubong Tagbanua,” ayon kay Catiao.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry