(Screenshot from Google Maps/ File photo )

Nakahanda na ang mga munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan ng Palawan para sa National Vaccination Day na nakatakdang isagawa ng Department of Health (DOH) sa buong bansa, sa darating na November 29 hanggang December 1.

Ang naturang aktibidad ay itinakda ng DOH sa layuning mabakunahan laban sa COVID-19 ang mahigit 15 million katao sa loob ng tatlong araw.

Sa munisipyo ng Rizal, inihahanda na ng Municipal Health Office (MHO) ang covered gym ng barangay Punta Baja kung saan isinasagawa ang vaccination rollout ng bayan na siya ring pagdarausan ng tatlong araw na national vaccination para sa mga residente ng 11 barangay ng bayan.

Ayon kay Dr. Kathreen Stephanie Luz Micu, Municipal Health Officer, Sinovac ang maaari nilang ibigay sa mga adult priority at senior citizens, at malamang ay mabibigyan din ang mga kabataang edad 12-17 taong gulang.

“Hinihikayat natin ang lahat na lumahok sa malawakang pagbabakuna upang madagdagan ang ating 70 percent target herd immunity para labanan ang COVID-19,” pahayag ni Micu.

Matatandaang noong ikalawang linggo ng Nobyembre ay mahigit 900 kabataan ang nabigyan ng MHO ng unang dose ng Pfizer at umaasa naman si Micu na madaragdagan pa ito.

Sa kabuuan ay nasa 5,544 na ang fully Vaccinated individuals sa bayan.

Samantala, sa bayan naman ng Sofronio Española ay dalawang vaccination team ang inihahanda ng MHO para sa tatlong araw na national mass vaccination.

Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, Municipal Health Officer, sa ngayon ay hindi pa nila alam kung anong vaccine brands ang nai-allocate ng PHO sa kanila na gagamitin sa Nobyembre 29.

“Depende sa target group natin. Kung mag-vaccinate kami ng 12 to 17, Pfizer ang ibibigay. Magpupulong pa ang vaccination team at baka magda-dalawang team tayo kasi may naka-schedule ng second dose sa barangay Iraray sa 29 din,” paliwanag ni Tingson.

Dagdag niya, maaaring ang covered gym sa barangay Pulot Center ang gagawing venue sa loob ng tatlong araw.

Ayon naman kay Dr. Fidel Salazar, hepe ng Aborlan MHO, nakahanda na rin sila para sa naturang aktibidad.

Umaasa rin si Salazar na maraming residente ang magpapabakuna upang madagdagan ang bilang ng fully vaccinated individuals na sa huling bilang ay mahigit 7,000 na.

Previous articleONP investigates case of COVID suspect patient found dead in hospital premises
Next articleDanao preparing to re-assume post as Narra mayor
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.