Ilang mga kalsada sa bayan ng Narra ang pansamantala pa ring nakasara dahil nasa ilalim pa rin ng modified general community quarantine (MGCQ) ang lalawigan bagama’t nasa kategoryang “low risk” na ito.
Ang mga kalsadang ito ay nasa mga barangay ng Antipuluan, Bagong-Sikat, Burirao, Caguisan, Calategas, Dumangueña, Malatgao, Malinao, Poblacion, Sandoval, at Tinagong Dagat. Pansamantala silang nakasara pa rin base sa pakiusap ng mga kapitan.
“Until further notice yan at habang MGCQ pa ang probinsya hindi muna tatanggalin ang temporary closures sa mga ilang piling kalye natin sa mga barangay na nabanggit,” pahayag ni Vice Mayor Crispin Lumba Jr sa Palawan News, Miyerkules.
Pinagtibay ang temporary closures sa bisa na rin ng ipinasang Resolution No. 2020-3995 na iniakda ng buong municipal council. Nilagdaan ang resolusyon ni Mayor Gerandy Danao noong July 9, 2020.
“May mga alternatibong ruta naman sa mga kalye na nanatiling bukas as alternate route sa mga barangay na yan para ito ay sa pag-iingat lamang ng ating mga kababayan at ng ating bayan sa posibleng banta ng COVID-19,” dagdag ni Lumba.
Sa Brgy. Poblacion, isinara muna pansamantala simula noong July 9 ang Magsaysay St., Tiza St., Camias St., G.P. Cruz St., Dalanadan at Querino. Bukas naman ang Rizal Avenue, Quezon Boulevard, Lapu-Lapu Street at national highway bilang mga alternatibong ruta.