SAN VICENTE, Palawan – Dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan ilang lugar sa bayan na ito ang nalubog sa baha at isang bahagi naman ng kalsada ang hindi madaanan ng malalaking sasakyan matapos na gumuho ang lupa sa ilalim.
Partikular na nalubog sa baha ang mga barangay ng Sto. Niño, San Isidro, Alimanguan, New Agutaya, at New Canipo kung saan, isang bahagi rin ng kalsada ang gumuho ang ilalim na bahagi.
Ayon sa ilang opisyles ng Brgy. Sto. Niño, ilang pamilya mula sa Purok 1, 3, 5 at 6 ang kanilang inilikas matapos na pumasok sa mga bahay ang baha at maabot ng level ng tubig ang early warning device na inilagay ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

“Kahapon maghapon na din umuulan pero di pa masyado malakas,pahinto hinto. Bandang 9 pm hanggang 10pm, lumakas ang ulan. Purok 3 at 1 ang pinakamalalim ang baha kasi tabing ilog,” pahayag ni Maryve Buranday, Barangay Secretary ng Sto. Niño.
Isang bahay naman na pag-aari ni Tanya Jayne Buranday-Catarungan ang nasira dahil sa malakas na pagragasa ng ulan subalit maliban dito ay wala namang naitalang nasugatan.
“Awa ng Diyos sa maagap na responde ng mga ilang opisyales ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Victorino Oncepido, wla namang nagbuwis ng buhay kahit lumangoy na palabas ng bahay,” ani Buranday.
“Si kapitan na mismo ang nag-drive ng rescue vehicle para puntahan ang mga area na mataas ang baha at isakay ang mga kailangang lumikas. Sa Purok 3, sa pangunguna ni Kagawad Apolinario ay nailikas din ang ilang residente sa pamamagitan ng paglangoy habang nakakapit sa lubid,” aniya.




Ayon pa kay Buranday, naging mabilis at madali ang pag-rescue sa mga apektadong lugar sa tulong ng group chat ng mga residente.
“Gumawa ako ng group chat na pinangalanan kong STO.NIÑO UPDATES at dito ko pino-post ang mga program at projects and activities ng barangay kaya naging madali ang rescue kagabi kasi naka monitor kami sa gc at pinost ko din mga number na pwede nilang tawagan,” ani Buranday.
Sa Barangay New Canipo naman ay naapektuhan ng pagtaas ng tubig baha ang Purok Pagkakaisa at Magsasaka, maging Sitio Ombo, Purok Pag-asa kung saan, gumuho ang ilalim na bahagi ng provincial road kaya hindi madaanan ng malalaking sasakyan.
Ayon kay Barangay Secretary Gloria Bautista, dahil sa maghapong pagbuhos ng ulan ay lumambot ang lupa at nagkaroon ito ng malaking uka kung kaya nagbigay siya ng babala sa mga biyahero na huwag na munang dumaan dito.
Nalubog din sa baha ang ang Purok Pag-asa sa Brgy. San Isidro, Purok Makabayan, Purok kasipagan, Little Baguio, at Purok Magsasaka sa Brgy. New Agutaya, at ilang bahagi ng Brgy. Alimanguan kung saan, ilang residente rin ang inilikas.
Maliban dito ay umapaw din ang tubig sa Inandeng River na sinabayan pa ng high tide kaya naging mabagal ang paghupa ng baha.




Magdamag namang nagbantay at nagsagawa ng clearing operations ng mga natumbang puno ng kahoy ang MDRRMO katuwang ang mga opisyales ng barangay .
“Nagsimula tayo ng monitoring yesterday pa sa possible effect ng tuloy-tuloy na pag-ulan. We facilitated ang evacuation ng seven families sa San Isidro, conducted ng clearing operations ng mga natumbang puno sa Itabiak, alerted ang BDRRMC to monitor their respective areas and maintain ang line of communication for possible assistance and rescue,” pahayag ni Orlando Estoya hepe ng San Vicente MDRRMO.
“We have declogged some areas na may mga culverts sa landing and ongoing ang backhoe operation sa Little Baguio. And ating early warning system ay in place at operational sa Alimanguan at New Agutaya . Meron lang minor problem sa EWS sa New Agutaya but ginagawan na rin ng paraan para maayos agad at makapagbigay ng signal for evacuation. Na-assess na din ng engineering ang areas na maliliit ang nilagay na culverts especially sa San Isidro at Alimanguan,” dagdag niya.
Ayon pa kay Estoya, may ilang lugar din na kailangang maisaayos ang bahagi ng kalsada at naghahanda na rin ang MSWDO para sa relief operation.
“Kailangan ng major construction at repair sa spillway ng Purok 2 but the engineering department is starting na nang proseso ng pagpapaayos, Aniya.
For our immediate response, the MWSDO and MDRRMO are prepared for relief operations. Nakikiusap lang kmi sa mga kababayan natin na if there’s a need to evacuate ay sana sumunod na lang agad for their safety. As of this time, continuous po ang monitoring at activated na rin ang ating Emergency Operations Center,” dagdag pa niya.



