(Photo courtesy of Resia Molo)

 

Anim na bahay ang sinira ng may humigit kumulang 20 armadong kalalakihan sa Barangay New Canipo sa bayan ng San Vicente kamakailan dahil sa agawan sa lupa.

Ayon kay Lilibeth Molo, isa sa anim na pamilyang nagmamay-ari ng mga sinirang bahay, takot at labis na pag-aalala ang idinulot sa kanila ng biglaang aksyon na isinagawa diumano ng mga tauhan ng Lab Security and Investigation Agency (LSIA) noong June 23.

Sa salaysay ni Molo, June 20 nang makatanggap sila ng sulat mula sa barangay kalakip ang isang pabatid na nilagdaan naman noong June 19 ni Liberato Barcelo, security director ng LSIA, na nagsasabing ang demolisyon ng kanilang mga bahay ay gagawin sa June 23.

Sabi niya, inaasahan silang umalis sa nasabing lupain sa New Canipo at makipagtulungan na lang sa security agency.

Nang makarating ito kay Mostiola “Shiela” San Juan, 57, residente ng Brgy. San Miguel sa Puerto Princesa, at sinasabing may-ari ng 12.4 ektarya ng lupa kung saan nakatira sila Molo, agad itong dumulog sa Palawan Provincial Police Office (PPO) upang magsampa ng reklamo laban sa security agency.

Idinagdag din ni Molo na tinanggihan nila ang alok ng security agency na P4,000 upang i-demolish nila ng kusa ang kanilang mga bahay.

Suot ang kanilang mga bonet, sapilitan umanong itinuloy ang operasyon pagpatak ng alas-9 ng umaga, kahit walang maipakitang court order.

Ito umano ay ayon sa utos ng isang Edgar “Bebot” Luengo, ang sinasabing nag-aangkin ng lupa.

“Kaming mag-ina po, tinutukan niya [ng baril], yong kasamahan niya po, sumigaw lang ng, ‘Wag babae yan!’ kasi nag-iiyak at nagwawala ang anak ko. Galit sila. Uulan na yong time na yon Humihingi po kami ng trapal, wala po silang ginawa kahit tabunan lang yong gamit namin. Yon po ginawa sa aming karahasan ng Lab Agency po,” sabi ni Molo.

Kasunod diumano ng pagtutok ng baril ay ang pagpapaputok sa bahay ni Reynante Trinidad na noon ay kasalukuyang ginigiba ang bahay. Saksi umano ang apat na mga menor de edad sa nangyaring ito.

Itinanggi naman ito ni Barcelo na nagpaputok sila ng baril.

“Wala yan. Puro yan sila gumagawa na lang, gumagawa-gawa sila ng istorya pero wala pong putok. Kahit anong klaseng libintador na kalakas…walang nangyaring putok. Tsaka yong pagtutok sa menor de edad, wala po yan… walang katotohanan po yan,” ayon kay Molo.

Nilinaw din niya na P2,000 lang ang kanyang ipinangako sa self-demolition upang maiwasan ang anumang kaguluhan.

 

(Photo courtesy of Resia Molo)

Sa panayam kay San Juan, sinabi nito na hindi ito ang unang beses na nagtangkang paalisin ni Luengo ang kanyang mga tauhan, ngunit sa pagkakataong ito ay desidido na silang magsampa ng kaso laban kay Luengo at sa mga security guard ng nasabing ahensya.

“Kapag napapanood ko ang video umiiyak ako… nakakaawa kasi… alam mo ang panahon ngayon, tulungan tayo. Hindi yong… Sorry po, ha? Naawa talaga ako sa mga tao ko doon… kasi ang babastos, ang bababoy po talaga ng ginawa nila. Imagine-nin mo yan, natulog sila magdamag, basa ‘yong mga damit nila. Wala silang mabihisan,” salaysay ni San Juan.

Subalit ayon kay Luengo, hindi niya kilala si San Juan at iginiit na siya ang nagmamay-ari sa lupa.

Matagal na rin umano siyang may mga security guard sa kanyang pag-aaring lupain sa San Vicente.

“Wala akong alam na may Shiela San Juan dyan. Pag-aari yan namin. Matagal na akong naglagay ng guard dyan sa property na yan. Kinakausap ng maayos, pina-barangay, pero hindi sila… lalo sila nagmamatigas, so hindi ko alam kung nagkaroon ng demolisyon. Ang sabi ko lang sa guards, ayusin nila at bantayang mabuti,” sagot ni Luengo.

Dagdag niya, handa siyang harapin ang anumang kasong isasampa ni San Juan laban sa kanya.

Kinumpirma naman ni P/Capt. Rex D. Vilchez, acting chief of police ng San Vicente, ang pangyayari.

Aniya, nakarating na sa kanilang tanggapan ang nasabing insidente, at kasalukuyang ginagawa ang ulat patungkol rito.

Nagpadala na rin si Shiela ng pinansyal na tulong sa mga tauhang nawalan ng tirahan.

 

About Post Author

Previous articleMining communities receive farm assistance
Next articleHearing on Danao case moved for next week
is a student-intern researcher of Palawan News and is currently studying Bachelor of Secondary Education at Palawan State University. She reports the regular covid updates and supports the data gathering of current events. She identifies herself as a local poet and a fictional writer, while her other interests also include singing and photography.