SAN VICENTE, Palawan — Ipinagdiwang ng bayan ng San Vicente ang ika-52 taon ng pagkakatatag bilang isang munisipyo noong Hunyo 21.
Subalit dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19 na nararanasan ngayon, tahimik ang pagdiriwang at hindi isinagawa ang Malagnang Festival kung saan, itinatampok ang iba’t-ibang kultura at tradisyon ng bawat barangay ng San Vicente.
Ang dating makulay at masiglang selebrasyon ay pansamantalang hindi naisagawa sa pangalawang pagkakataon bilang pag-iwas na ring mailagay sa alanganin ang kalusugan ng nakararami.
Ngunit bagama’t wala ang masigla at makulay na mga aktibidad gaya ng mga patimpalak, paligsahan at ibapang pagtatanghal hiling ng ilan sa mga opisyal ng bayan na patuloy na magkaisa at magbuklod-buklod ang mga mamamayan upang maipagpatuloy ang pagpapayaman ng kultura at kasaysayan ng bayan. Kabilang na dito ang pagsunod sa mga pakatarang pinaiiral upang labanan ang pandemya.
Ayon naman kay Kgd. Ramir Pabliko, dahil walang selebrasyon ngayon, hiling na lang niya sa lahat na magkaisa.
“Malungkot ang ating 52nd founding anniversary at Malagnang Festival ngayon dahil nga sa pandemic na ating mararanasan wala tayong celebration ngayon. Patuloy lang tayong manalangin na matapos na ang pandemic na ito upang makapag diwang na tayo next year at sa mga susunod pang mga taon” pahayag ni SB Ramir Pablico
“Dinadayo na sana tayo ng mga turista na makakatulong sa pag ikot ng ating ekonomiya sa ating bayan. Ito rin sana ang panahon ng ating pagkikita-kita ng ating mga barangay officials at mga kababayan. Na-miss din natin ang mga programa at masayang pagdiriwang,” dagdag niya.
Sa pahayag naman ni Kgd. Walter dela Cruz, bagama’t walang malakihang selebrasyon katulad ng dati, naisapuso pa rin ng mga residente ang pagkakaisa at naisaisip na ang tagumpay ng San Vicente sa good governance ay hindi lamang gawa ng isa kung hindi ng marami.
“This story of ours was never written by one hand, it is all of us who determined our destiny as a municipality. It is my solemn prayer now as we celebrate our founding anniversary that aside from festive commemoration in our hearts, we will not forget the norms and values that made this municipality of San Vicente our best place to live,” ayon kay Dela Cruz.
“Taos-puso kong ipinapaabot ang pagbati ng maligayang pagdiriwang ng ika-52 taong pagkakatatag ng ating pamahalaang lokal. Bagaman may kinakaharap tayo ngayon sa kasalukuyan na pandemya, sana ay madama pa rin natin ang kasiyahan, pagkakaisa at manalangin na sana ay bigyan tayo ng lakas at matatag na pananampalataya ng panginoon upang sama sama nating harapin ang pandemyang dulot ng COVID 19,” pahayag din ni Kgd. Menchie Silagan.
Ang bayan ng San Vicente ay naitatag sa bisa ng Batas Republika Bilang 5821 o “An Act Creating the Municipality of San Vicente in the Province of Palawan.”
